HUMAHALAKHAK ngayon si Mayor Rodrigo Duterte bitbit ang 35% survey ratings mula sa Pulse Asia (Abril 16-20), habang kumakain ng alikabok sina Sen. Grace Poe, ex-DILG Sec. Mar Roxas, VP Jojo Binay at Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Sa hanay naman ng vice presidentiables, humahalakhak din si Sen. Bongbong Marcos na nangunguna sa kabila ng mga patutsada ni PNoy. Nabighani ni Mayor Digong ang mga Pinoy at nasilo ang kanilang imahinasyon dahil sa kanyang pagmumura, pagkagalit at bantang pagpatay sa mga drug pusher-trafficker, smugglers, rapist-murderers, at pagpapakain sa mga isda ng corrupt gov’t officials.

Patunay ito na dismayado ang mga tao sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa na laganap ang kahirapan, kagutuman at kawalang-pag-asa na pinaiigting pa ng “tanim-bala” sa mga paliparan, pagtirik ng MRT-3, mabigat na daloy ng trapiko, PDAF at DAP, pagkamatay ng 44 SAF commando sa Mamasapano, protesta ng mga gutom na magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato, at iba pang kapalpakan, kamanhiran at katamaran ng administrasyon.

Sa tanong ni Karen Davila sa ika-3 presidential debate sa Pangasinan noong Linggo, kung si Mang Rody ay may anak na drug addict o sangkot sa ilegal na droga, tugon niya: “Wala.” Ngayon, sakali raw na masangkot o mahuli ang sino man sa kanyang anak ay mabilis na sinabi ng alkalde na ipapatay niya ito. Wow, lalong bumilib ang mga tao sa kanya.

Gayunman, marami ang kontra sa pahayag niya na lalagutin ang relasyon sa US at Australia kapag ipinagpatuloy ng mga ito ang pakikialam sa halalan sa Pilipinas. Dahan-dahan ka Mayor Digong, sapagkat nananatiling US ang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Baka hindi ka tumagal ng 3 hanggang 6 na buwan sa puwesto kapag kumilos si Uncle Sam at udyukan ang AFP at PNP na magkudeta laban sa iyo. Tandaan mo ang katotohanang nadidiktahan ng US ang maliliit na bansa, kasama na ang Pilipinas, na laging humihingi ng tulong sa US kapag sinagasaan ng kalamidad at inookupahan ng China.

Bilang na ang mga araw ni PNoy sa Malacañang. Iniutos niya sa AFP at PNP ang paggamit ng buong puwersa para mapuksa ang tulisang Abu Sayyaf Group (ASG) bunsod ng pagpugot ng ulo sa Canadian hostage na si John Ridsel. May 400 miyembro lang ang ASG eh, bakit hindi mapuksa-puksa ng 130,000 kasapi ng AFP at 130,000 miyembro ng PNP?

Itinatanong ko nga sa mga kaibigan ko kung nakalagay sa Koran ang pagpugot ng ulo sa isang bihag o kaaway. Dapat ay bigyan ng respeto at integridad ang isang bangkay at panatilihin itong buo.

Samantala, nakatawa si Bongbong Marcos sa pag-arangkada ng kanyang survey ratings sa SWS at Pulse Asia. Ayon sa political observers, nakatutulong pa si PNoy sa pag-angat ni Sen. BB dahil sa walang humpay niyang paninira sa anak ng diktador. Maraming millenials ngayon ang walang lubos na kaalaman sa Marcos martial law. Ang alam nila ay ang kapalpakan, kamanhiran at katamaran ng kasalukuyang administrasyon! (Bert de Guzman)