URDANETA CITY, Pangasinan - Limang pinaniniwalaang trading house ng shabu ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 1, pulisya, at Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes ng umaga, sa Barangay Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan.

Sa bisa ng binansagang Operational Plan Apocalypse ng PDEA-Region 1, naghain ng limang search warrant na inisyu ni Honorable Judge Fernando T. Sagun of Branch 78, Regional Trial Court ng Quezon City.

Nakumpiska sa operasyon ang 44 na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P88,000 at iba’t ibang drug paraphernalia.

Kinilala rin ni PDEA-Region 1 Director Adrian G. Alvarino ang mga suspek na sina Ulie Ulama, ng Marawi City; Cairon Banisil, miyembro ng Muslikano Drug Group; Moizudin Racman, customer service representative sa Zamboanga City; at Anwar Pimba, isa ring miyembro ng Muslikano Drug Group. (Liezle Basa Iñigo)

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito