Magdedeklara na ng diarrhea outbreak sa Zamboanga City dahil sa patuloy na pagdami ng naaapektuhan ng viral infection, na tinatawag na norovirus, sa siyudad.
Sinabi ni City Health Officer Dr. Rodel Agbulos na mahigit 1,000 na ang naitalang pasyente ng sakit simula noong Marso 28, 2016 sa mga pampubliko at pribadong ospital sa Zamboanga City.
Sa naturang bilang, lima na ang napaulat na namatay—apat na bata at isang inmate ng Zamboanga City Reformatory Center.
Inihayag ni Agbulos na sa 17 sample na ipinadala nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), 14 sa mga ito ang nagpositibo sa norovirus.
Ayon sa report, lumampas na sa epidemic threshold ang bilang ng pasyente ng diarrhea at hindi na kayang tumanggap ng pasyente ng lungsod, kaya kinakailangan nang magdeklara ng outbreak.
Sinabi ni Agbulos na ang ilalabas na pondo para sa outbreak ay gagamitin para matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasyente, at makakuha ng ayuda mula sa Department of Health (DoH).
Karamihan sa nabibiktima ay edad lima pababa, nasa 400 bilanggo sa Zamboanga City Reformatory Center ang tinamaan ng sakit at pinangangambahang madadagdagan pa ito. (Fer Taboy)