Isinumite ni Pampanga 1st District Congressman Joseller “Yeng” Guiao nitong Martes ng umaga ang Petition for Mandamus sa Supreme Court kontra Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at pati na sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) hinggil sa hindi pagtupad ng dalawang ahensiya sa obligasyon nito na ibigay ang pondo na aabot sa P4 bilyon para sa sports ng bansa simula lamang nitong 2010 hanggang 2015.

Mismong si Guiao, kasama sina Atty. Avelino Guzman Jr. at Executive Office Ramon Navarra Jr., ang nagsumite ng petisyon para sa kapakanan ng Philippine Sports Commission kung saan kinukonsidera nito na ang mga hindi naibibigay na pondo ang dapat sanang “game-changer” sa sports sa bansa.

“We are not just doing it for the Philippine Sports Commission, or the national athletes but for the Philippine sports in general, this is for our youth, the next generation of our athletes and the grassroots and the future of sports,” sabi ni Guaio matapos isampa ang petisyon sa Mataas na Hukuman.

Sinabi ni Guaio, Vice-Chairman ng House Committee on Youth and Sports, na bagamat maliwanag na nakasaad sa Section 26 ng RA 6847 o Philippine Sports Commission Act of 1990 ang pagbibigay mandato na 5% ng gross income ng PAGCOR ay dapat na awtomatikong ibinibigay sa PSC.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“That is the original intention of the law,” sabi ni Guiao na inamin na madalas napag-uusapan ang batas sa Kongreso kapag napag-uusapan ang pondo para sa PSC.

“Congress expect the law is followed, but our lawmakers are really surprised that it is not followed,” aniya.

Imbes na ibigay ang kabuuan ng 5% ay ibinaba pa ng gaming agency ang kontribusyon nito sa 2.1375% ng gross income nito sapul noong 1993 o base sa isang marginal note noon ni Pangulong Fidel V. Ramos sa dating namumuno sa PAGCOR na si Alice Reyes.

Isinama rin ni Guiao ang PCSO, na dapat din na nagreremit ng 30% sa mga kinikita nito sa anim na sweepstakes o lottery draws kada taon subalit hindi sumusunod sa pagbibigay ng pondo.

Ipinaliwanag ni Guiao na “it is a clearly established legal tenet that no executive issuance can be issued to over-ride an express provision of law passed by the legislature. PAGCOR apparently relied on a mere Memorandum approved by the Office of the President in unilaterally reducing the share it provides for Philippine sports, even disregarding a DOJ opinion expressing views to the contrary.”

Ang PCSO ay hindi din nagbibigay ng dapat nitong mandated share sapul pa noong 2006 kung saan idinadahilan nito na ang operasyon ng lotto ay kakaiba sa nakasaad na “lottery” na nakasaad sa Section 26 ng RA 6847 na kontra rin sa dalawang legal na opinyon ng DOJ.

Maliban sa PAGCOR at PCSO, ang ibang ahensiya tulad ng Philippine Racing Commission, Philippine Postal Corporation at ang Bureau of Internal Revenue, ay maayos ang pagsunod sa kanilang mandato sa pagbibigay kontribusyon sa National Sports Development Fund (NSDF). (Angie Oredo)