Milyun-milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho kung ipatitigil ng susunod na presidente ng bansa ang lahat ng uri ng contractual employment.

Ito ang naging babala ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz bilang tugon sa nagkakaisang posisyon ng mga kandidato sa pagkapangulo na tuldukan na ang contractualization sa bansa.

Sa ikatlo at huling presidential debate ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo, pawang nagdeklara ng kani-kanilang posisyon laban sa contractual employment sina Vice President Jejomar Binay, Senator Miriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senator Grace Poe, at dating Department of Interior Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.

Gayunman, hinimok ni Baldoz ang mga kandidato na linawin kung saklaw ng pagtutol nila sa contractualization ang kapwa lehitimo at ilegal na work scheme.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, bagamat ang “Endo” (end of contract) ay ilegal ayon sa batas, may mga uri ng subcontracting na itinuturing na legal—gaya ng mga industriyang project-based o sadyang pansamantala, gaya ng business process outsourcing, car manufacturing, konstruksiyon, at kahit na showbiz.

“If they do not clear this, many workers may be affected,” giit ni Baldoz.

Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), halos kalahati ng 67.1 milyong manggagawa sa bansa ay saklaw ng contractualization, o silang mas mababa sa minimum ang suweldo at walang mga benepisyo. (Samuel P. Medenilla)