SA pagsisimula ng paglagda sa Paris climate change agreement na isinagawa sa United Nations sa New York City nitong Biyernes, Abril 22, si Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang lumagda para sa Pilipinas. Kasabay nito ang pandaigdigang selebrasyon ng Earth Day.
“This is a rare moment in history,” sinabi ni UN Secretary General Ban Ki-moon nang ihayag niya na 171 bansa ang lalagda sa kasunduan. Lumagda na sina French President Francois Hollande, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, at United States Secretary of State John Kerry para sa kani-kanilang bansa. Ito ang pinakamalaking isang-araw na paglagda sa isang pandaigdigang kasunduan sa kasaysayan.
Inilahad din ni Secretary Paje nitong Biyernes ang pahayag ng Pilipinas na umaapela sa ibang bansa para agad na simulan ang kani-kanilang programa na layuning mabawasan ang greenhouse gas emissions at huwag nang hintayin pang ipatupad ang kasunduan sa 2020. Ang bawat isa sa 196 na bansang nag-apruba sa kasunduan sa Paris noong Disyembre ay nagsumite ng tinatawag nilang Intended Nationally Determined Contribution (INDC) sa layuning mabawasan o masawata ang kabuuang greenhouse gas emissions sa mundo.
Tinukoy na pangunahing emitters ng mundo ang United States, China, at India bilang pangunahing nagbubuga ng mga gas na sinisisi sa tuluy-tuloy na pagtaas ng pandaigdigang temperatura na tinutukoy namang dahilan sa pagkatunaw ng glaciers sa Arctic at Antarctic, kaya naman tumataas ang dagat sa mundo. Kamakailan, nagkasundo ang China at United States para bawasan ang kani-kanilang emission. Sinabi naman ni President Hollande na maaaring ipatupad na ang kasunduan sa 28-miyembrong European Union sa huling bahagi ng 2016 o sa 2017.
Sinimulan na ng Pilipinas ang implementasyon ng National Climate Action Plan nito. Isinama nito ang mga programa kontra climate change sa mga plano at paglalaan ng pondo para sa mga pambansa at lokal na proyekto, sinabi ni Paje sa UN. Pinasisigla ng Pilipinas ang kapasidad nito sa renewable energy—partikular na sa solar, wind, at biomass.
Ang kontribusyon ng Pilipinas sa kabuuang pagsisikap upang malimitahan ang gas emissions at mapanatili ang pandaigdigang temperatura na hindi hihigit sa 2 degrees Celsius above pre-industr ial levels, ay hindi magkakaroon ng malaking epekto sa kabuuang plano para sa planeta. Inamin ni Secretary Paje na maituturing itong isang patak sa timba. Ngunit bahagi ito ng kabuuan—ang kabuuang pagsisikap ng mga bansa sa mundo—at dapat na makatulong laban sa climate change at sa mga suliraning kaakibat nito na labis ngayong nakaaapekto sa ating planeta.