Hiniling ng transport group na Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas sa Quezon City court na pigilan ang implementasyon ng Global Positioning System (GPS) policy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB ) sa Abril 30.

“Hindi makatwiran at hindi pa napapanahon ang implementation ng GPS sa provincial buses. Unang-una, kailangan munang aprubahan ‘yan ng Kongreso at dagdag-gastusin lamang ‘yan sa aming hanay. Dapat munang pag-aralang mabuti ‘yan ng Kongreso para malaman ang tulong niyan sa aming hanay, at ang batas tungkol diyan ay nasa Kongreso na at hindi pa final na naaaprubahan,” pahayag ni Engr. Alex Yaque, executive director ng samahan.

Binigyang-diin ni Yaque na upang maging matagumpay ang isang programa ay kailangan munang isailalim ito sa masusing pag-aaral upang sa huli ay walang masisi.

“Imagine, lahat ng luma at bagong provincial bus nationwide lalagyan nila ng GPS pero ‘yang GPS ay maaari namang built-in na sa bus, kasama sa bayad sa pagbili ng unit. Gastos lang ‘yan!” dagdag ni Yaque.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Aniya, kada bagong unit ng bus ay aabot sa P5 milyon habang ang buwanang bayarin sa bawat GPS unit ay nasa P12,000.

Ang isang unit ng GPS ay nagkakahalaga ng P700-P900.

Batay sa naipalabas na memorandum circular ng LTFRB, hindi nito papayagang mairehistro ang bawat unit ng pampublikong sasakyan na walang GPS. (Jun Fabon)