Pinabulaanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alegasyong may kakaiba o kontradiksyon sa nagpapatuloy na overseas absentee voting (OAV).

Una nang inihayag ng vice presidential candidate na si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na may dayaan sa OAV, at ang mga boto para sa kanya ay isinasalin umano sa kanyang katunggaling si Sen. Gringo Honasan.

Ilang ulat, aniya, sa mga voting receipt ang umano’y hindi tugma sa aktuwal na bilang ng mga boto sa OAV.

Bukod kay Marcos, kaparehong insidente ang inirereklamo ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay DFA Undersecretary Rafael Seguis, walang natatanggap na report ang Overseas Voting Secretariat mula sa mga foreign service post kaugnay ng sinasabing iregularidad sa pagboto.

“Allegations of irregularities involving the vote counting machines (VCMs) should be properly substantiated,” sabi ni Seguis.

Ang mga VCM ay mula sa Smartmatic.

Matatandaang tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko na ang inilagay na source code/system sa VCM ay kumpirmado at nasuri ng international organization na ligtas sa ano mang hindi awtorisadong manipulasyon ng command o code. (Bella Gamotea)