Laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
7 n.g. -- Alaska vs Meralco
Humakbang palapit sa inaasam na kampeonato ang tatangkain ngayon ng Alaska sa muli nilang pagtutuos ng Meralco sa Game Two ng kanilang best- of-5 semifinals series sa 2016 OPPO-PBA Commissioner’s Cup.
Sa kabila ng pagsabak na may pilay na line-up dahil sa pagkawala nina Jayvee Casio at Vic Manuel na kapwa nasa injured list, nakuhang makauna ng Aces sa serye matapos gapiin ang Bolts sa Game One, 97-94.
Kapwa hindi gaanong naramdaman ang import ng dalawang koponan na sina Rob Dozier para sa Aces at Arinze Onuaku para sa Bolts dahil sa pag- step-up ng kanilang mga local teammates.
Bagamat nag-ambag ng 18 rebound, nakulangan ang Bolts sa ipinakitang laro ni Onuaku na tumapos lamang na may 11 puntos.
“Ang ganda ng depensa ng Alaska at di kami agad nakapag-adjust,” pahayag ni Reynel Hugnatan na muling nanguna sa Bolts sa itinala nitong 21 puntos mula sa 8-of-13 shooting, anim na rebound at apat na assist.
“Dapat si Arinze mag- adjust din at mas maging aggressive sa opensa. Dino-double kasi sya agad kaya dapat gumawa sya ng paraan para makaiskor,” ayon pa sa beteranong forward na tubong Bacolod City.
Ayon kay Hugnatan, nagagawa naman ni Onuaku na maging decoy at ipasa ang bola kapag naikasa na dito ang depensa, ngunit kailangan aniyang dagdagan pa nito ang kanyang effort para mahanap at maibigay sa libreng kakampi ang opensa.
“Pag malaki ang nag double natatakpan na yung dapat pasahan so dapat gawan nya ng paraan kasi dun madalas kami nagkaka- turnover,” dagdag ni Hugnatan.
Sa panig naman ng Aces, hindi nila naramdaman ang pagkawala nina Casio at Manuel at ang pitong puntos na produksiyon ni Dozier.
Naging malaking ambag noong Game One si dating Letran guard RJ Jazul na hindi lamang sa opensa naramdaman kundi maging sa opensa matapos makailang beses napuwersang mag-turnover sa kanyang pag double team si Onuaku at masupalpal si Hugnatan sa isang attempt nito.
Nagtala rin si Jazul ng 18 puntos, habang nagdagdag naman si Calvin Abueva ng 15 puntos para pangunahan ang panalo ng Aces. (Marivic Awitan)