PILI, Camarines Sur - Ang naudlot na implementasyon ng mahahalagang proyekto sa Albay ang isa sa mga dahilan kung bakit tinalikuran ni Governor Joey Salceda si Liberal Party standard bearer Mar Roxas at ibinuhos ang suporta kay Sen. Grace Poe, ng Partido Galing at Puso.

Sinabi ni Salceda na lima sa mga gobernador sa Bicol ang sumusuporta na sa kandidatura ni Poe.

Kabilang sa mga proyektong hindi natupad ng gobyernong Aquino ay ang Albay City airport, rehabilitasyon ng Philippine National Railways, pagtatayo ng UP campus sa Bicol, at baku-bakong kalsada sa rehiyon.

Dahil dismayado sa administrasyon, sinabi ni Salceda na kabilang sa mga sumusuporta kay Poe sina Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte, Sorsogon Gov. Raul Lee, Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado, at Catanduanes Gov. Bong Teves.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon pa kay Salceda, na kandidato sa pagkakongresista sa ikalawang distrito ng Albay, maging si Masbate Gov. Rizalina Lanete ay susuporta kay Poe.

Nagpasalamat naman ang independent presidential contender sa naging pagsuporta ng matataas na opisyal ng Bicol at sinabing bibigyang prayoridad niya ang mga proyektong pang-imprastruktura, pangkalusugan at pangkabuhayan sa rehiyon.

“Kabilang ang Bicol sa makikinabang sa Gobyernong May Puso. Aayusin natin ang railway system dito para mas madaling marating ng ating mga kababayan, palalawakin natin ang health services, at palalaganapin ang turismo bilang potensiyal ng rehiyon,” ani Poe. (RUEL SALDICO)