TAPOS na ang huling presidential debate sa ilalim ng pamamahala ng Comelec, na ginanap sa Pangasinan. Mga isyu ng kalusugan, kapayapaan, kalagayan ng OFW at kawalan ng permanenteng trabaho ang kanilang tinalakay sa pagtatanong ng mamamayang pinalad na mapili para ipaabot sa kanila ang kalagayan ng mga ito. Alam ng limang kandidato sa pagkapangulo na sina VP Binay, Mayor Duterte, Secretary Roxas, Senator Poe at Senator Santiago na ang ugat ng mga problema ng bansa ay kahirapan. Kung paano nila lulutasin ito, ibinigay nila ang kani-kanilang programa.

Palalaguin daw nila ang ekonomiya upang magbigay ito ng maraming trabaho. Pero malayo ang kanilang programa sa mga programa ng mga bansang matagumpay na nagapi ang kahirapan.

Walang bansang umunlad na hindi nagpairal ng tunay na reporma sa lupa at nag-industrialize. Bogus ang land reform natin. Bagamat may mga malawak na lupain nang biniyak at ipinamahagi sa mga magsasaka para kanilang linangin, may mga malawak na lupa pa rin na buo at nasa kamay ng iilan. Sila ang namamahala sa mga ito ayon sa kanilang kapakanan at hindi sa kapakanan ng bansa.

Ang tunay na reporma sa lupa ay ipinoprograma ang lupa ayon sa pangangailangan ng mamamayan. Sa kabilang dako, nagbibigay naman ng trabaho sa marami na nasa kanayunan. Dahil pinakamalaking sektor ng lipunan ang mga magsasaka, sila ang bumubuo ng pinakamaraming mamimili. Kapag mayroon silang kinikita, sila ang malaking sektor na tatangkilik at susuporta sa mga pabrika. Magpapagawa sila ng bahay. BIbili sila ng pagkain, damit at mga pangunahing pangangailangan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mabubuhay at lalago naman ang industriya. Ang industriya naman ay magbibigay din ng maraming trabaho. Ang textile garment at steel industry ay ilan sa mga pabrikang maraming empleyado na dapat ay ipatayo sa ating bansa. Mayroon na tayo ng mga ito, pero sa halip na paramihin ay pinatay sila.

Bakit ayaw gawing programa ang tunay na reporma sa lupa at industrilisasyon ng mga kumakandidato lalo na sa matataas at makakapangyarihang posisyon sa ating bansa? Hindi sila makakuha ng panggastos para sa kanilang kandidatura.

Masalapi kasi ang makakalaban nila, tulad ng mga haciendero, negosyante, mamumuhunan at smuggler.

Iyong banta ni Duterte na kapag nakita niya si Bangayan na umano ay smuggler ng bigas sa Davao ay papatayin niya, tell that to the marines. Baka isa na si Bangayan sa mga nagpopondo sa kanyang kandidatura. Kalaban kasi ng industrialization ang import liberalization, deregulation at privatization. Kaya, sa buong panahon ng kampanya, wala tayong narinig sa mga kumakandidato na ipababasura nila ang Oil Deregulation Law para makontrol ng gobyerno ang pagpepresyo sa produktong petrolyo na mahalaga sa pagpapatakbo ng mga makinarya.

Gatasan nila kasi ang mga dambuhalang kumpanya ng langis, na ginagatasan naman ang mamamayan. (Ric Valmonte)