SA bawat sulok ng daigdig ay may bayaning dinadakila at pinagpupugayan. Sila ang maalab ang pagmamahal sa bayan at sa kalayaan. Ipinakita at ipinakilala ang katapangan sa pakikipaglaban sa mga manlulupig at mapaniil na mga dayuhan. Ang Japan ay may dinadakilang Hideyoshi. May Scipio Afriucanus naman ang Roma. May dakilang El Cid ang Spain at isang Sumadragupta naman ang sa India.

Ang iniibig nating Pilipinas at Perlas ng Silangan ay mayroon namang dakilang Lapu-Lapu ng Mactan (Opon ang dating pangalan na ngayon ay Lapu-Lapu City). Sa paniniwala at pananaw ng maraming historian, si Lapu-Lapu ang itinuturing at kinikilala sa kasaysayan bilang unang bayaning Pilipino na nagpamalas ng pagtatanggol sa kalayaan ng Lahing Kayumanggi. Kinikilala rin siyang bayaning Asyano na lumaban sa panunupil at pananakop ng mga taga-Kanluran sa Timog Silangang Asia.

Ang katapangan at kagitingan ni Lapu-Lapu ay ipinakita niya sa makasaysayang “Battle of Mactan” noong madaling-araw ng Abril 27, 1521. Sa nasabing labanan, tinalo at napatay ng pangkat ni Lapu-Lapu si Ferdinand Magellan/Magallanes at ang mga sundalong Kastila.

Sa pagpatay kay Magellan—isang Portuguese na leader ng Spanish expedition—at sa pagkatalo ng kanyang pangkat sa Mactan, si Lapu-Lapu naman ay kinilala bilang unang kampeon ng kalayaan ng mga Pilipino.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bukod dito, si Lapu-Lapu ay tinagurian ding manlulupig ng universal invader.

Sa Battle of Mactan, walang nagawa ang putok ng kanyon nina Magellan sa mga umuulang pana na may lason, mga bakal at sibat na kawayan nina Lapu-Lapu. Sa labanan, nataga ni Lapu-Lapu sa kanang hita si Magellan. Nang bumagsak sa dalampasigan si Magellan, sinugod siya ng mga tauhan ni Lapu-Lapu, tinaga at sinaksak ng mga sibat.

Matapos ang madugong sagupaan, tinangka pa ni Raha Humabon at ng mga nakaligtas na Kastila na kunin ang bangkay ni Magellan ngunit mariin itong tinanggihan ni Lapu-Lapu. Ang bangkay ni Magellan ay itinuring ni Lapu-Lapu na tropeo ng digmaan. Kung ano ang nangyari sa bangkay ni Magellan at kung saan sa pulo ng Mactan ito inilibing ay walang nakakaalam.

Ayon sa kasaysayan, walang nakuhang historical record tungkol sa mga magulang, kamag-anakan, kabataan at naging kamatayan ni Lapu-Lapu. Ang mga Pilipino, bago dumating ang mga Kastila, tulad ng mga Intsik, Arabo at iba pang Asyano, ay nakaligtaang isulat ang makasaysayang pangyayari sa Mactan.

Gayunman, ang mga detalye tungkol kay Lapu-Lapu ay nagmula kina Antonio Pigafetta at Maximilianus Transylvanus, isang Venetian at German chronicler o tagatala ng mga pangyayari. Ang talambuhay ni Lapu-Lapu ay ibinatay naman sa oral tradition ng Mactan na naingatan ng matatanda, partikular ang mga kamag-anak ni Lapu-Lapu.

Nang sumapit ang 1565 at lumunsad sa Cebu sina Miguel Lopez de Legazpi at Padre Urdaneta ay wala nang nabalita tungkol kay Lapu-Lapu. May naniniwala na namatay si Lapu-Lapu sa katandaan. Ngunit namatay man si Lapu-Lapu ay nananatili siyang buhay sa puso ng mamamayan at sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas.

Sa isang bahagi ng painting ni National Artist Carlos “Botong” Francisco na nasa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall, si Lapu-Lapu ay inilarawan na imortal na Pilipinong tagapagtanggol ng ating kalayaan. At bilang pagdakila kay Lapu-Lapu, dalawang bantayog niya ang itinayo: ang nasa Lapu-Lapu City at ang nasa Camp Lapu-Lapu sa Lahug.

Nakatitik naman sa Mactan ang makasaysayang pangyayari noong Abril 27, 1521 bilang isang lantay na tgumpay ng Lahing Kayumanggi laban sa mga mapanakop na dayuhan. (Clemen Bautista)