ANG sindikatong ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa sa mga dahilan kung bakit popular at gusto ng mga tao ang palamura, may pagkabastos, babaero at killer na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na maging pangulo ng bansa sa Mayo 9. Tiyak na ipakakain daw ni Mayor Digong sa tiwaling mga tauhan ng NAIA ang bala na kanilang “itinanim” sa bagahe ng dalawang senior citizen na papuntang US para dalawin ang anak-- sina Cortabista, 78, at Salvacion, 75, ng Antipolo City. Diyos ko po naman, aanhin ng dalawang matanda ang isang bala eh, wala namang baril na pagkakargahan nito?
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang NAIA officials tungkol sa umano’y panghihingi ng isang wheel chair attendant ng P50,000 sa mga Cortabista upang hindi sila pigilin pa. Ayon sa mga report, sinabi ni Fei Balagot, pamangkin ng dalawa, na humingi ng nasabing halaga si Nino Namba upang sila’y payagang makaalis matapos umanong matagpuan ang isang bala sa isang bagahe ng senior citizens. Itinanggi ng dalawang matanda na kanila ang bala dahil nakapag-travel na sila sa US noon at batid nilang bawal ang pagdadala ng bala sa airport.
***
Hinihiling ni PNoy na sumailalim sa medical at psychological examination ang mga presidentiable para patunayan na sila ay “matitino”, akma at handa sa panguluhan. Badya ni PNoy: “We will vote for you, will you be able to finish the term?”
Ang isyu hinggil sa physical at mental fitness ay lumutang dahil sa rape joke ni Duterte sa pagkamatay ng isang Australian missionary sa Davao Prisons noong 1989. Umani ng batikos si Digong mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Dinunggol ako ng kaibigang palabiro pero sarkastiko na muntik nang ikaligwak ng iniinom kong kape: “Look who’s talking? Hindi ba noong 2010 elections, hinamon din siyang ihayag ang kanyang health record dahil sa bintang na baka siya ay may ‘tama’? Hindi siya pumayag at sinabing ito ay walang batayang akusasyon. Ngayon naman, siya ang humihiling na magpasuri si Digong at iba pang kandidato.”
Nasa “hot seat” ang machong alkalde at tampulan ng batikos dahil siya ang nangunguna sa mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Station. Kumikilos na ang Department of Justice upang imbestigahan ang pagkakasangkot niya sa mga pagpatay sa Davao City sa pamamagitan ng Davao Death Squad (DDS). May mga pag-amin si Duterte na may binaril at napatay siyang mga tao dahil sila ay kriminal, drug pushers at rapist-murderers.
Hindi lang pala sina Sen. Grace Poe at ex-DILG Sec. Mar Roxas ang dumalaw at nakipagpulong sa mga opisyal ng Iglesia ni Cristo (INC). Kinumpirma ni VP Jojo Binay na nakipag-usap siya kay INC Executive Minister Eduardo Manalo. Maging si Mayor Digong ay nagtungo rin sa INC Central Office sa Quezon City at naglahad ng kanyang plataporma-de-gobyerno, gaya ng pagpuksa sa kurapsiyon, illegal drugs, at kriminalidad. Binanggit din niya ang mga adbokasiya sa ekonomiya at food security.
‘Tulad nina Poe at Roxas, itinanggi nina Binay at Duterte na hiningi nila ang “basbas” ng INC na kung bumoto ay solido (bloc voting) at ng may dalawang milyong botante. (Bert de Guzman)