Laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
7 n.g. – ROS vs SMB
Magtuluy-tuloy kaya ang pangangati ng suwerte sa kampo ng Rain or Shine laban sa San Miguel Beermen?
Tatangkain ng Elasto Painters na makapagtala ng 2-0 bentahe sa best-of-5 semifinals series kontra Beermen sa muling pagtutuos sa Game 2 ng OPPO- PBA Commissioner’s Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.
Nakuha ng Painters ang 98-94 panalo sa Game One.
Ito ang ikatlong series na nagkatapat ang dalawang koponan at nakatatlong laro lamang ng nakapanalo ang ROS sa SMB sa naunang dalawang serye na nagkampeon ang huli.
Kayat kahit tinalo nila ang San Miguel sa nakaraang eliminations, itinuturing pa ring underdog ang Rain or Shine sa serye bukod pa sa pinagbatayang seeding ng dalawang koponan pagpasok ng semifinals kung galing sa pagiging topseed ang Beermen at No. 6 ang Elasto Painters.
Ngunit dahil sa kanilang panalo noong Game One, mas naging optimistiko sa kanilang tyansa si ROS head coach Yeng Guiao.
“We are looking forward to the rest of this series, which we might win this time,” pahayag ni Guiao. “As great as their import (Tyler Wilkerson) and June Mar (Fajardo) were playing, we pulled through.”
“It was a great testament to the character of this team. Everybody helped out. We pulled through in this crucial game as a team.”
Sa nasabing panalo, ipinakita ng 24-anyos na Fil-Nigerian na si Maverick Ahanmisi ang katatagan sa inside play na inaasahan sa kanya nang gawin siyang third overall pick ni Guiao noong nakaraang draft.
Nagtala si Ahanmisi ng career-high 23 puntos para isalba ang Painters at kumpletuhin ang pagbalikwas mula sa 18-puntos na pagkakaiwan sa first period.
Dahil dito, isa na rin ang rookie sa markadong player na babantayan ng Beermen, bukod pa sa key players ng team na sina Paul Lee, Jeff Chan, Raymund Almazan, Gabe Norwood, Beau Belga, JR Quinahan at import na si Pierre Henderson Niles.
Inaasahan naman ng SMB na itabla ang serye matapos matuto ng kanilang leksiyon sa naging kabiguan.
“Parang medyo nag-relax kami nung nakalamang kami ng 18 points,” pahayag ni reigning league MVP Junemar Fajardo na kinakitaan na muli ng kanyang pagiging dominanteng pigura sa shaded area matapos magtala ng 23 puntos mula sa 11-of-19 shooting, 13 rebounds, tig- 2 blocks at steals at 3 assists sa loob ng 37 minuto sa loob ng court.
“Dun nagkatalo sa final stretch, ang dami naming naging lapses,” dagdag nito.”Bounce back na lang. Kailangan lang talaga naming sundin yung gameplan ni coach.”
Maliban kay Fajardo, inaasahang mangunguna para sa pagbangong gagawin ng Beermen sina import Tyler Wilkerson, Alex Cabagnot, Chris Ross, Arwind Santos at Marcio Lassiter na siyang pinuna ni coach Leo Austria sa kanilang huling laban dahil sa mga maling desisyon sa opensa.
“Marcio was the missing link,” ani Austria. “But I can’t blame him dahil hindi ko rin gustong alisin ang kanyang kumpiyansa.”
“But I have to point it out na hindi lahat ng pagkakataon ay you have the freedom to take the shot dahil this is playoff time.We have to play according to gameplan,” aniya. (Marivic Awitan)