LONDON (AP) — Tagumpay si Eliud Kipchoge kahit kinapos sa bagong world record. Pagpapakita ng katatagan ang ipinamalas ni Jemima Sumgong.
Naitala sa pamosong London Marathon nitong Linggo (Lunes sa Manila) ang magkaibang pamamaraan sa pagtatagumpay ng Kenyan runners.
Naidepensa ni Kipchoge ang korona sa men’s division nang makumpleto ang 26.2 mile (42.2 km) na karera sa loob ng dalawang oras, tatlong minuto at limang segundo. Nabigo siyang lagpasan ang marka ng kababayang si Dennis Kimetto n 2:02:57 noong 2014 sa Berlin.
“I realized that I was a few seconds off the world record,” pahayag ni Kipchoge.
“It was not really disappointment.”
Nabura naman ni Kipchoge ng halos isang minuto ang dating meet record na 2:04:29 na naitala ni Wilson Kipsang may dalawang taon na ang nakalilipas. Tumapos lamang sa ikalima si Kipsang.
“I realized I ran a world record for 30 kilometers, then between 30 and 40 I lost about 20 seconds,” sambit ni Kipchoge.
“The record can be for the next time ... but I’m happy I ran the course record.”
Kapos lamang ng 46 segundo si Stanley Biwott sa likod ni Kipchoge, habang pangatlo si Kenenisa Bekele ng Ethiopia.
Pabilisan ang labanan sa men’s race, taliwas sa women’s marathon na may halong drama.
Nagawang makabangon ni Sumgong sa pagkakahulog sa water station may apat na milya pa ang layo sa finish line para tanghaling kampeon sa kababaihan. Isinantabi niya ang pananakit ng katawan at ulo dulot ng insidente para lagpasan sina Aselefech Mergia ng Ethiopia at Mary Keitany ng Kenya.
“The Ethiopian runner clipped my leg and I went down,” sambit ni Sumgong.
“After my fall I felt hurt, it was very painful because I banged my head very hard but I tried my best to persevere and win the race,” pahayag ni Sumgong, nagtamo ng pasa at sugat sa ulo, ngunit hindi na kinailangan pang tahiin.
Naisumite niya ang tyempong dalawang oras, 22 minuto at 58 segundo, limang segundo ang bentahe sa defending champion na si Tigist Tufa ng Ethiopia. Pangatlo si Florence Kiplagat.