Mababa pa rin ang bilang ng mga Pilipino sa ibang bansa na lumahok sa overseas absentee voting (OAV) na inumpisahan nitong Abril 9.

Aminado si Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose na imposibleng maaabot ang target ng ahensiya na isang milyong Pilipino sa iba’t ibang bansa na boboto ngayong 2016 elections.

Batay sa tala ng DFA, mayroong mahigit 1.37 milyong registered overseas Filipino voters (OFV), tumaas nang doble kumpara sa bilang ng aktibong botante sa abroad noong 2013 mid-term elections.

“One million out of 1.37 million? It seems impossible,” sabi ni Jose, lalo na’t mahigit sa 100,000 pa lamang ang bumotong OFV sa loob ng mahigit dalawang linggong OAV.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Muling nanawagan at hinikayat ni Jose ang mga Pilipino sa abroad na bumoto.

“We are appealing them to exercise (their right to suffrage). Why not vote if you are already registered? If you took the trouble to register, might as well take the trouble to v note,” diin niya.

Noong halalan 2013, umabot lamang sa 118,823 ang bumoto sa kabuuang 737,759 registered OFV.

Umaasa si Jose na tataas pa ang bilang ng mga bobotong OFV sa huling linggo ng OAV lalo na at likas na sa mga kababayan natin ang mahilig sa “last minute” at ilan sa mga ito ang hindi pa nakakapagpasya kung sino ang talagang dapat nilang iboto.

Nagpahayag naman ang Commission on Elections (Comelec) na ikatutuwa na nila kung boboto ang kalahating porsiyento ng OFV ngayong halalan. (BELLA GAMOTEA)