Hulog ng langit.

Ganito inilarawan ni Ateneo de Manila men’s volleyball coach Oliver Almadro ang kanilang pangunahing hitter at league reigning back-to-back MVP na si Marck Jesus Espejo.

“I’ve said this before and I will say it once again, without any religious inclinations, Marck Espejo is God’s gift to Ateneo,” pahayag ni Almadro.

Bagamat labis ang pagmamalaki ni Almadro para sa kanilang ace hitter na muling nanguna para sa Blue Eagles sa itinalang 23-25, 25-20, 25-17,25-18 panalo kontra National University noong Game One, hindi naman niya iniaalis na kabuuang team effort pa rin ang naghatid sa kanila sa panalo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Si Marck. Siya ang leader namin sa offense, pero siyempre total team effort pa rin lahat at ina-acknowledge din naman niya yun,” pahayag ni Almadro.”Hindi naman siya makaka-spike nang maayos kung walang magsi-set sa kanya, kung walang magre-receive at magdi-dig ng maganda.”

“Tulung-tulong po talaga, at lahat ito nagagawa ko dahil sa mga teammates ko. Walang special treatment sa amin, lahat pantay-pantay lang kami sa team,” ayon kay Espejo na muling namumuro para sa kanyang ikatlong MVP award.

Ayon pa kay Espejo, nagpapasalamat siya sa lahat ng suporta at tiwalang ibinigay sa kanya ng kanyang teammates at sa oportunidad na ibinigay sa kanya ng kanilang coach.

Dahil dito, sinisikap niyang maibigay ang lahat ng kanyang makakayanan kada laro upang hindi mabigo ang kanilang koponan.

“I don’t want to let them down lalo na si coach, and so far naman hindi ko pa sila nabibigo,” ani Espejo na sinang-ayunan naman ni Almadro.

Dahil sa ipinakikitang laro ni Espejo na nagbibigay inspirasyon din sa kanyang mga kakampi, hindi imposibleng matupad ang asam na back-to-back titles ng Blue Eagles na maaari nilang makamit kung muli nilang tatalunin ang NU bukas, Abril 27 sa MOA Arena.

“Alam namin hindi magiging ganun kadali kasi karamihan ng players ng NU puro beterano at talagang umiiskor at may depensa, pero pipilitin naming manalo,” ani Almadro. (Marivic Awitan)