TARLAC CITY - Mahigit 31,000 trabahong lokal at sa ibayong dagat ang iaalok sa mga Labor Day job fair sa Central Luzon ngayong taon.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 3 Director Ana Dione na nasa 24,870 lokal na trabaho ang iaalok ng 265 kumpanya, habang 6,104 na bakanteng trabaho sa ibayong dagat ang nais punuan ng may 28 recruitment agency.

Aniya, kabilang sa mga iaalok na local jobs ang customer care representative, call center agent, production operator, production worker, sewer, sales clerk, welder, mason, at sales associate.

Hanap naman sa ibayong dagat ang mga electrical/mechanical engineer, production operator, factory worker, nurse, staff nurse, house keeper, helper, at service crew.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Magkakasabay na magdaraos ng Labor Day job fair sa Linggo sa mga SM shopping mall sa Baliuag, Pampanga, Clark, San Fernando Downtown, Cabanatuan, at Tarlac.

Mayroon din sa KB Gymnasium, kapitolyo sa Malolos City, at municipal gym ng Masinloc sa Zambales.

Bukod dito, may kahalintulad na aktibidad din sa Mayo 3, sa bagong munisipyo sa Marilao, Bulacan at sa Freedom Park Capitol Grounds sa Cabanatuan City.

May job fair din sa Mayo 6 sa People’s Center, sa kapitolyo sa Balanga City, at sa Rizal Triangle sa Olongapo City.

(Leandro Alborote)