MULING makikibahagi ang mamamayan sa iba’t ibang dako ng mundo sa sari-saring aktibidad upang gunitain ang World Malaria Day (WMD)—isang araw na magpapaalala sa publiko na ipagpatuloy ang masigasig na paglaban sa nakamamatay na sakit na ito. Ang paggunita sa WMD ay batay sa mga pagsisikap sa iba’t ibang panig ng Africa upang maipagdiwang ang Africa Malaria Day.
Ang malaria ay isang mapanganib na karamdaman na dulot ng mga parasitiko na naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na apektado nito. Nasa 3.2 bilyong katao ang delikado sa sakit na ito. Partikular na nanganganib sa sakit ang mga bata, buntis, at biyahero mula sa mga lugar na walang kaso ng malaria. Naiiwasan at nalulunasan ang karamdamang ito, at ang pinaigting na mga pagsisikap ay epektibong nakabawas sa mga kaso ng malaria sa maraming lugar. Sa taya ng World Health Organization (WHO) na isinapubliko noong Disyembre 2015, nakapag-ulat ng 214 na milyong kaso ng malaria noong 2015 at 438,000 pagkamatay.
Ang tema ng WMD 2016 na “End Malaria for Good” ay sumasalamin sa hinahangad na mundong malaya sa malaria alinsunod sa “Global Technical Strategy for Malaria 2016-2030”—na ipinatupad ng World Health Assembly noong Mayo 2015. Nagkakaloob ito ng isang teknikal na balangkas para sa lahat ng bansang may epidemya ng malaria. Ang estratehiya ay resulta ng masusing proseso ng konsultasyon na gumugol ng dalawang taon at kinasangkutan ng pakikibahagi ng mahigit 400 technical expert mula sa 70 miyembrong estado. Ibinatay ito sa tatlong pangunahing layunin: pagtiyak na makaiiwas sa malaria ang sinuman sa mundo, pagtukoy sa sakit, at paggamot dito; pagpapaigting ng pagsisikap sa pamamagitan ng pagsugpo at pagtatamo ng malaria-free status; at pagbabago mula sa pagtugaygay sa mga apektado ng malaria patungo sa pagtukoy sa mismong ugat ng problema. Ipinagkakaloob ng tema ang iisang plataporma para maipamalas ng mga bansa ang kanilang pagtatagumpay sa pagkontrol sa malaria at papag-isahin ang iba-ibang inisyatibo sa pagbabago sa pandaigdigang konteksto nito.
Sa nakalipas na dekada, nagpamalas ng pambihirang tagumpay ang mga bansang may epidemya ng malaria sa larangan ng pagkontrol sa sakit. Gayunman, ibang istorya ang pagpapanatili sa mga pagtatagumpay na ito, dahil nangangailangan ng karagdagan pang pagsisikap hanggang sa tuluyan nang masugpo ang malaria sa mundo. Malaki ang naitulong ng mga pagsisikap sa pag-iwas, pagtukoy, at pagbibigay-lunas sa malaria sa nakalipas na mga taon. Gayunman, ang kakapusan sa pondo ay nagbabantang makasagabal sa progresong ito, partikular sa Africa, na kritikal ang kakulangan sa pondo ng mga bansang maraming kaso ng sakit. Ang pagresolba sa kakapusang ito sa pondo, at pagkakaloob sa mga bansang apektado ng malaria ng kinakailangang pondo at suportang teknikal ay makapipigil sa pagkuha ng malaria ng mas marami pang buhay. Ang pagsugpo sa pagkalat ng malaria ang titiyak at magpapaibayo sa kalidad ng buhay ng milyun-milyong katao, partikular na sa mga bansang apektado ng sakit, upang ang pondong kasalukuyang ginagamit upang labanan ang sakit ay mailaan sa iba pang mga prioridad.
Inirerekomenda ng WHO ang proteksiyon ng lahat ng taong delikado sa malaria sa pamamagitan ng epektibong malaria vector control. Ang dalawang paraan ng vector control—kulambo na mayroong insecticide at residual spraying sa loob ng bahay—ay epektibo sa maraming kaso. Kung sapat na ang nasasaklawan ng vector control interventions sa isang partikular na lugar, maaari nang ituring na protektado sa malaria ang nasabing komunidad.