Ni CHARISSA M. LUCI
Ikinokonsidera ng isang miyembro ng House Committee on Energy ang tulong ng mga shopping mall, tanggapan, residential tower at pabrika sa pagtiyak na hindi magkakaroon ng brownout sa eleksiyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga ito sa sariling backup generator.
Ayon kay Liquefied Petroleum Gas Marketers’ Association (LPG-MA) Party-list Rep. Arnel Ty, ngayong kakaunti ang reserba ng kuryente sa Luzon at Mindanao, dapat na humingi ng ayuda sa malalaking consumer ng kuryente sa pamamagitan ng pagpapagamit sa mga ito ng sariling standby self-generating capacity upang maiwasang mawalan ng kuryente sa Mayo 9.
“The Department of Energy (DoE) may have to ask large users to self-generate their electricity needs and stay off the grid on election day just to guarantee uninterrupted power supply in voting precincts throughout Luzon,” saad sa pahayag ni Ty.
Tinukoy niya ang mahalagang papel ng mga establisimyento sa pagtiyak na maiibsan ang aalalahahin sa sitwasyon ng kuryente sa Luzon, na sumipa ang demand sa record na 9,700 megawatts (MWs), kaya naman ilang panig ng rehiyon ang dumanas ng brownout sa loob ng ilang araw, ngayong buwan.
Aniya, sumabay pa rito ang maintenance shutdown at pagkukumpuni sa ilang power plant.
Babala pa ni Ty, posibleng dumoble pa ang demand sa kuryente sa Mayo 9, isang public holiday, dahil marami ang pipiliing maglagi sa bahay o kaya naman ay sa mga shopping mall, pagkatapos bumoto.
“Based on the reserve generator sets registered with the Energy Regulatory Commission, the private sector has more than 3,000 MWs of standby self-generating capacity,” banggit ni Ty.
Tag-init noong nakaraang taon nang ipatupad ng DoE ang Interruptible Load Program (ILP) upang masolusyunan ang kakapusan ng kuryente sa Luzon.