Ronnie Liang

HINDI halos makapaniwala si Ronnie Liang na tabla sila ni John Lloyd Cruz bilang Best Actor sa nakaraang 17th Gawad Pasado Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro na ginanap sa San Sebastian College noong Abril 11.

Napakaraming pelikula na nga naman ng nagawa ni John Lloyd samantalang si Ronnie ay iisa pa lang, ang indie film na Esoterika Maynila na idinirek ni Elwood Perez.

Naka-chat namin ang binatang singer na produkto ng Pinoy Dream Academy noong Sabado at sabi niya, “Sobrang tuwa ko po kasi nag-tie kami ni John Lloyd Cruz.  Imagine po, John Lloyd walang makapapantay sa kanya, marami siyang napatunayan at sa akin isa siyang ehemplo bilang artista sa larangan ng pag-arte.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Idolo ko po siya kaya naman isang malaking karangalan na maging bahagi ng Best Actor award sa pinakapasadong aktor sa 2016 Gawad Pasado kasama rin sina Jericho Rosales, John Arcilla at Richard Gomez.

“Ma-nominate pa lang ako, Reggee masayang-masaya na ako dahil first time ko lang naman gumawa ng pelikula at napansin naman ako sa Esoterika Maynila.

“Matagal ko nang ‘pinagdarasal at pinapangarap na magkaroon ng pelikula at award kagaya nito at ako ay nagpapasalamat una sa Diyos sa pagtugon sa akin.

“Kaya naman nagpapasalamat ako sa lahat ng bumubuo ng Gawad Pasado sa karangalang ipinagkaloob sa akin, sa producer ko si Sir Rex Tiri ng Trex Entertainment at si Direk Elwood Perez sa pagtitiwala at paniniwala sa aking talento at kakayahan.

“Salamat din po sa manager ko, Viva Boss Vic del Rosario, Boss Vincent del Rosario at Ma’am Veronique del Rosario-Corpus sa pagsuporta nila lagi sa career ko at sa pagbibigay pahintulot upang gawin ang Esoterika Maynila.

“Sinabi ko nga po sa speech ko last April 16, Boss Vic sana Viva Films naman ako makagawa ng pelikula, ha-ha-ha.  Salamat din sa mga critic o tagapuna sa akin dahil sa pag-criticized sa akin mas lalo pa po ako nai-inspire para mas lalo ko pang pagbutihan.

“Ibinahagi ko ang tropeo ko sa aking pamilya sa kanilang suporta at pagbibigay din ng inspirasyon, sa buong casts and production po ng Esoterika Maynila sa kanilang paggugol ng oras, lakas, pagod upang maging matagumpay ang pelikula.

“At salamat din sa aking mga tagasuporta, ang McRonns and MacaRonnies sa kanilang pagmamahal and last but not the least nais ko ibahagi ang award na ito sa aking pinakamamahal na girl friend na nasa New York sa kanyang pagmamahal at sakripisyo pang-unawa na madalas bumiyahe mula New York to Pilipinas para lang po magkasama kami.

“‘Pinagdarasal ko na masundan din ang proyekto ko sa pag-arte sa pelikula man o sa telebisyon, pangarap ko talaga umarte at the same time singer ngayon po gumagawa po ako ng bagong album para sa Viva Records at ire-release namin sa Malaysia, Indonesia at Singapore na sinulat po ng Malaysian composer at producer na si Julfekar ng Julfekar Music.”

Samantala, inamin na rin ni Ronnie sa publiko ang long-time girlfriend niyang nurse na naka-base sa New York at kung hindi kami nagkakamali ay almost 10 years na sila.

Wala pa silang wedding plans pero, “Darating din po ‘yun, I guess, hindi pa po ngayon,” saad ni Ronnie.

Nakakabilib si Ronnie na aa sobrang tipid at pagsisikap ay nakabili na ng bahay sa Los Angeles, California, mga limang taon na at hati sila ng girlfriend niya kaya malamang doon mag-settle ang singer kapag ikinasal na sila.

Teka, bakit sa California ang bahay, e, sa New York nagwo-work ang girlfriend niya.

“Madalas din naman po sa California si GF kapag may convention at mas okay po sa California ang weather parang Pilipinas din,” sagot ng binata.

Oo nga naman. —Reggee Bonoan