Bagamat puspusan ang pangangampanya para sa mga pambato ng administrasyon sa lalawigan, hindi naman nagpapabaya si Pangulong Aquino sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin sa bansa, sinabi kahapon ng Malacañang.
Sa harap ng mga panawagan na tigilan na ng Presidente ang pangangampanya at tutukan ang pagtulong sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot na dulot ng El Niño, iginiit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na epektibong nababalanse ng Pangulo ang pamumuno sa bansa at ang pangangampanya.
“Sa lahat ng pagkakataon, ang pangunahing prayoridad ni Pangulong Aquino ay ang masinsing pagtutok sa lahat ng kaganapang may kinalaman sa pambansang interes, at ang pagtataguyod sa kabutihan ng aming mga boss: ang sambayanang Pilipino,” sinabi ni Coloma sa isang panayam sa radyo.
Ayon kay Coloma, masusing sinusubaybayan ni Pangulong Aquino ang pagpapatupad sa iba’t ibang programa upang maibsan ang epekto ng El Niño, partikular na ang pagtiyak na sapat ang supply at mababa ang presyo ng pagkain.
Bukod dito, sinabi ni Coloma na nakatutok din ang Presidente sa iba pang mahahalagang bagay, gaya ng pambansang seguridad, paglikha ng mga trabaho, ugnayang panglabas, at pagtiyak na magiging maayos at payapa ang halalan sa Mayo 9.
Iginiit ni Coloma na masigasig ang pangangampanya ng Presidente upang masigurong magpapatuloy ang mga nasimulang reporma at programa ng koalisyon ng “Daang Matuwid”.
Matatandaang nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Pangulo na tigilan na ang pangangampanya at sa halip ay resolbahin ang matinding epekto ng tagtuyot sa mga taniman at sa mga magsasaka sa bansa. - Genalyn D. Kabiling