Halos 3,000 na ang naitatala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na lumabag sa batas trapiko simula nang ipatupad ang “no contact apprehension” (NCA) policy ng ahensiya sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila nitong Abril 15.
Inaasahan pa ni NCA head Ronnie Rivera na aakyat pa ang kasalukuyang bilang na 2,600 traffic violation, na ang 60-70 porsiyento nito ay mga pampublikong bus na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero sa ipinagbabawal na lugar, gayundin ang ilegal na pag-okupa sa pedestrian lanes.
Sa tuwing rush hours nangyayari ang ganitong mga paglabag sa mga pangunahing lansangan na ipinauubaya ng mga traffic enforcer sa mga nakakabit na CCTV cameras ng MMDA upang magtuluy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan sa mga lansangan.
Iniiwasan ng mga traffic enforcer na magdulot pa ng matinding abala at trapiko sa ibang motorista ang panghuhuli o paninita sa mga lumabag sa trapiko, na sa mga CCTV na nakaatang ang paghuli sa mga ito.
Nitong Huwebes, inumpisahan ng ahensiya ang pagpapadala ng summon, sa pamamagitan ng post o courier, sa mga lumabag sa trapiko sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO), at kalakip doon ang litrato at video ng nagawang paglabag sa trapiko.
Ang parusa ay depende sa paglabag, tulad ng P150 na multa sa hindi pagsunod sa traffic signs at lane markings, habang P500 naman sa pagtigil sa intersection at pagbababa o pagsasakay ng pasahero sa maling lugar. - Bella Gamotea