Ni WALDEN SADIRI M. BELEN
KAHIT hindi diretsahang inamin, mukhang may mga pagkakataong nagseselos ang boyfriend ni Janine Gutierrez kay Aljur Abrenica, leading man niya sa Once Again, bagong teleserye ng GMA-7.
Pero hindi ito naging dahilan ng away o maging tampuhan man lang.
“Siyempre it comes with the story,” paliwanag ni Janine ukol sa kissing scenes nila ni Aljur, “but we’re all professionals. Siyempre lahat naman nagkakaintindihan sa mga bagay-bagay na ganito.”
Mas may romansa kasi ang pagtatambal ngayon ni Janine at Aljur sa Once Again dahil mas madrama at mas malalim na pag-ibig ang kuwento nito. Para kay Janine, malayo ang pagtatambal nila ni Aljur dito kumpara sa Dangwa, ang huling seryeng pinagtambalan nila.
“Ibang-iba po talaga sa akin ito dahil matagal na akong hindi nakasama sa kuwento na talagang drama. Ito ‘yung first time sa akin,” saad ni Janine.
Aminado rin ang dalaga na lagi siyang nag-aalinlangan pagdating sa kissing scenes nila ni Aljur.
“Nininerbiyos ako na may kissing scenes,” dagdag ni Janine. “Hindi lang dahil kissing scene siya pero kasi kapag may kissing scene doon mo rin masasabi na talagang romance ‘yung kuwento, na talagang drama ‘yung kuwento.”
Ang ikinatutuwa ni Janine, gentleman ang leading man niya. Kaya nababawasan ang nerbiyos niya sa mga eksena nila.
“Nagpapasalamat talaga ako sa kanya. Dahil marami na kaming nagawang teleserye ni Aljur, alam ko naman na siyempre nakaalalay siya sa akin.”Kakaiba ang kuwento ng Once Again na nilikha ng creative writers ng GMA Drama group. Tungkol ito sa reincarnation ng nag-iibigang Edgar (Aljur) at Reign (Janine). Pareho silang mamamatay dahil sa trahedya. Dahil sa paghadlang ng mayamang pamilya ni Reign, hindi sila nagkatuluyan ni Edgar. Ngunit pagkatapos ng dalawampung taon, perehong mabubuhay ang dalawa sa ibang katauhan, si Reign bilang si Des at si Edgar bilang si Aldrin. Unti-unting mabubunyag sa kanila ang nakaraan pagkatao at kasaysayan nila.
Directed by Don Michael Perez, kasama rin sa Once Again sina Jean Garcia, Sheryl Cruz, Chanda Romero, Joko Diaz, Emilio Garcia, Timmy Cruz, Thea Tolentino and Jeric Gonzales.
Kasama rin sa espesyal na pagganap sina Bembol Roco, Irma Adlawan, Sharmaine Arnaiz, Phytos Ramirez at Christopher de Leon.
Ayon kay Janine, magkahalo ang kanyang galak at kaba sa pakikipagtrabaho sa kanyang Lolo Boyet.
“Oh my gosh, dream come true na makatrabaho ko siya,” sabi ni Janine. “Malaki ang paghanga ko sa kanya kasi isang magaling at batikan siyang artista. Katulad din nang nakatrabaho ko si Mama Guy for the first time, pareho silang may presence na alam mo talagang ibang-iba. He was so sweet at sabi niya tinanggap niya ito para makatrabaho lang raw niya ako!”