TAPOS na ang mga Marcos sa pamumuno ng ating bansa. Matatapos na rin ang mga Aquino. Puwede ba mga kababayang Pinoy, iba namang pinuno ang iluklok natin sa Mayo 9? Ang Marcos Family ay naghari sa bansa ng mahigit 20 taon, kabilang ang panahon ng martial law, sinikil ang kalayaan, dinapurak ang demokrasya, isinara ang Kongreso, ikinandado ang media (print at broadcast). Ang Aquino Family ay naupo sa puwesto noong 1986 People Power Revolution bilang simpatiya sa kaapihan ng angkan na tinampukan ng pagpaslang kay ex-Sen. Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport noong 1983.
Ang dalawang pamilyang ito ang naghari sa Pilipinas sa loob ng maraming taon. Kung baga sa ulam, kailangan ng mamamayan ngayon ang iba namang putahe. Kung laging lechon ang ulam, magsasawa ka rin. ‘Pag puro adobo ang kinakain sa umaga, tanghali at gabi, tiyak nakakasawa rin. Tanong: ‘Di pa ba kayo sawa sa mga Marcos? ‘Di pa ba kayo umay sa mga Aquino?
Naririyan ngayon sa hapag ng halalan sina Digong, Pulot, Nognog, Robot at Tigre. Pumili na kayo. Siguro ay kilala na ninyo kung sina Digong, Pulot at Nognog. Eh, sino naman sina Robot at Tigre? Itanong kina Chel at Jet at tiyak na kilala nila ang dalawa dahil sila ay kabilang sa tinatawag na millenials.
Kakaiba talaga si Mayor Rodrigo Duterte dahil mabilis, matalas at mabagsik ang kasagutan sa mga pagbatikos sa kanya. Dahil binanatan siya ng mga Ambassador ng Australia (Amanda Gorley) at US (Philip Goldberg) bunsod ng rape joke. Pinagsabihan silang huwag makialam sa eleksiyon sa ‘Pinas: “You shut your mouth”. Kapag siya raw ang nahalal na presidente, handa niyang lagutin ang relasyong diplomatiko ng ‘Pinas sa Australia at US. Eh, sa China na nang-ookupa sa atin, lalagutin mo rin ba?
“Napakagago naman ng mga p** inang ambassador na ito. I was mad when I uttered it, when I narrated it hindi na ako galit,” pahayag ni Digong sa isang panayam. Tungkol naman sa grupo ng kababaihan na nagalit sa kanya at nagharap ng reklamo dahil sa kanyang rape joke, tinawag niya sila na “crazy” gayong ginagamit lang niya ang kanyang “freedom of speech.” Dagdag pa ng machong alkalde: “Crazy, you are crazy. You are demanding an explanation because I was exercising my constitutional rights? Ano kayo? Go to hell”, pahayag niya sa harap ng libu-libong taga-Aklan.
Sa Commission on Human Rights, ganito ang sabi niya: “Ang CHR na nagdemanda sa akin, isa pang gago ang opisinang iyan, ibabasura ko yan.” Iginiit ni Mayor Digong na handa siyang matalo sa pagkapangulo kung ayaw sa kanya ng mga tao dahil sa kanyang mga pahayag. Hindi naman daw siya mamamatay sakaling matalo.
Naniniwala ba kayo sa pahayag ni Pangulong Aquino na hindi siya natatakot na makulong sa pagbaba niya sa Malacañang sa Hunyo 30? Katakut-takot na kaso ang tiyak na haharapin niya kapag wala na siya sa poder. Mula sa maanomalyang PDAF at DAP, sa kakila-kilabot na pagpaslang sa 44 SAF commando sa Mamasapano, Maguindanao, hanggang sa farmers’s dispersal sa Kidapawan, Cotabato.