CEBU CITY – Tatlong round lang ang kinailangan ni Nonito Donaire, Jr. para patunayan na akma ang taguri sa kanyang “The Filipino Flash”.

At kung may mga hindi makapaniwala sa kanyang lakas sa super-bantamweight division, hinamon niya ng laban ang mga fighter – baguhan man o beterano – sa naturang division na harapin siya at tikman ang kanyang kamao.

“I’m gonna say this: The best out there,” pahayag ng 33-anyos sa post-match media conference.

Nag-uumapaw ang kumpiyansa sa katauhan ni Donaire bunsod ng katotohanan na halos siyam na minuto lamang ang ginugol niya para pabagsakin ang Hungrian Olympian na si Zsolt Bedak at maidepensa ang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title sa harap ng mahigit 30,000 home crowd sa Cebu City Sports Complex.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

“If it is (Carl) Frampton, if it is (Guillermo) Rigondeaux, against anybody,” sambit ng five-division world champion.

“If they feel they’re better than me, come inside the ring. I’m waiting for them,” aniya.

Ang tinutukoy niyang si Frampton ay ang 29-anyos na Irish at kasalukuyang kampeon sa International Boxing Federation (IBF) 122-lb., habang si Rigondeaux, 35, ang dating unified WBO at World Boxing Association (WBA) champion na tumalo kay Donaire via 12-round unanimous decision noong 2013.

Walang bahid ng pangamba kay Donaire maging sinuman sa dalawa ang mauna niyang makaharap.

“It doesn’t matter. Bisaya ako, Filipino ako. Hindi ako natatakot kahit sino ang kalaban ko,” pahayag ni Donaire, umakyat ang ring record sa 37-3, tampok ang 24 KOs.