INILABAS ng Reporters Without Borders, isang pandaigdigang organisasyon na nagsusulong at nagtatanggol sa kalayaan sa impormasyon at pamamahayag, noong nakaraang linggo ang taunan nitong World Press Freedom Index, itinala ang 180 bansa na inilista nito batay sa pagsasakatuparan sa ilang usapin, kabilang ang media independence, self-censorship, rule of law, transparency, at pag-abuso.
Isang magandang balita na tumaas ang standing ng Pilipinas, mula sa ika-141 noong 2015 ay nasa ika-138 na ito ngayong 2016. Hindi naman maganda ang pagtasa na tumindi pa ang panganib sa mga mamamahayag sa ating bansa ngayong taon. Zero ang nakuha nating iskor sa kategorya bilang pinakamalaya, at 100 sa pinaka-hindi malayang bansa. Lumala pa ang puntos na nakuha ng Pilipinas, na noong nakaraang taon ay nasa 41.19, pero 44.66 na ngayong taon.
Ang nakaiirita, 137 iba pang bansa sa mundo ang itinuturing na may mas malayang pamamahayag kaysa Pilipinas—gaya ng Ghana sa Africa, Papua New Guinea sa South Pacific, Haiti sa Carribean, at Serbia sa Europe. Sa ating mga karatig-bansa sa Asia, nahigitan pa tayo ng Mongolia, Taiwan, South Korea, at Japan.
Gayunman, ang mababang ranking ng Pilipinas ay maipapaliwanag ng katotohanang bagamat ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan sa pamamahayag sa ating bansa, natukoy sa survey ang maraming pag-atake sa mga mamamahayag, bukod pa sa mga hindi direktang pinagmumulan ng pressure laban sa malayang pamamahayag.
Sa World Press Day noong Mayo 3, 2015, tinukoy ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang mga bansang winasak ng digmaan na Syria at Iraq bilang pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag sa ngayon. Ngunit kasunod ng dalawang bansang ito sa Gitnang Silangan, ang Pilipinas na ang ikatlong pinakadelikado para sa mga kasapi ng media. Simula noong 1992, sinabi ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na 77 mamamahayag ang napatay sa Pilipinas, kumpara sa 80 sa Syria at 166 sa Iraq.
Sa kasalukuyan, ang nag-iisang pinakanakapanghihilakbot na krimen laban sa mga mamamahayag sa mundo ay ang Maguindanao Massacre noong 2009, na 32 sa kanila ang pinaslang. Pagkatapos nito, 26 na iba pang mamamahayag ang napatay, at nadakip ang mga suspek sa anim na kaso, ayon sa ulat ng Human Rights Watch. Iginiit naman ng CPJ na may umiiral na kultura ng kaligtasan sa parusa sa ating bansa.
Ang World Press Freedom Index ay isang taunang paalala sa isang kritikal na suliranin ng ating bansa. Karapat-dapat itong pagtuunan ng seryosong atensiyon, higit pa sa pagtutok dito ngayon ng ating bansa na labis ang pagpapahalaga sa demokrasya at kalayaan, partikular na sa impormasyon at pamamahayag.