Mahigpit na ipatutupad ng Office of the Ombudsman (OMB) ang total ban sa paninigarilyo sa bakuran nito, nagbabala sa mga pasaway na magmumulta sila ng P10, 000.

Inilabas ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang direktiba matapos mapansin na binabalewala ng mga opisyal at empleyado at maging ng mga bisita, ang no-smoking policy.

Sa paglalagda niya sa Office Circular No. 12, idiniin ni Morales na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa loob ng opisina noong pang 2010, ngunit hindi ito sineseryoso ng maraming opisyal at empleyado.

“To ensure the success of the anti-smoking policy, smokers and non-smokers alike should be educated on the negative effects of smoking necessitating a need for the implementation of a smoking cessation program,” deklara niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa bagong polisiya, bawal ang lahat ng uri ng produktong tabako kabilang na ang mga sigarilyo, tabako at maging ang e-cigarette o mga kaparehong bagay. Idiniin niya na bawal manigarilyo hindi lamang sa gusali ng opisina ng Ombudsman kundi maging sa lahat ng mga silid, bakuran, compound, parking area, garden, rooftop, at mga behikulo na nasa paligid.

Upang paalalahanan ang mga bisita at mga tauhan, ipapaskil ang mga “Smoke-Free Zone” sign sa mga entrance gate at ilalagay ang mga “No Smoking” sign sa mga sasakyan ng gobyerno, hagdanan, elevator, at iba pang lugar na madali itong makita.

Nakasulat sa ibabang bahagi ng mga karatula ang babala sa mga bisita na magmumulta sila ng P10,000 sa ilalim ng Tobacco Regulation Act of 2003 at Clean Air Act.

Ang mga hindi makakatiis sa kanilang bisyo ay maaaring manigarilyo sa mga itinalagang smoking area na pupunuin naman ng graphic health warnings kung paano sisirain ng tabako ang kanilang katawan at ng mga textual warning gaya ng “Smoking Kills!” o “Cigarettes are Addictive”.

Upang matiyak na tatalima ang lahat, regular na magsasagawa ng inspection ang mga itinalagang building administrator at area supervisor sa mga smoking at non-smoking area.

Upang mahikayat ang mga nagnananais na huminto sa paninigarilyo, sinabi ni Morales na magpapatupad siya ng smoking cessation program na susuportahan ng libreng medical, psychiatric at counseling support mula sa medical personnel ng ahensiya. (Jun Ramirez)