SA ikatlo at huling debate sa telebisyon ngayong gabi ay muling magsasama-sama ang limang kandidato sa pagkapangulo bago ang eleksiyon sa Mayo 9. Masalimuot ang naging kampanya, maikukumpara sa pagsakay sa roller coaster para sa mga kandidato. Sa susunod na dalawang linggo, puspusan na ang pangangampanya ng mga partido, para magkaalaman na kung sino ang magwawagi sa eleksiyon.
Sa pagsisimula ng kampanya, tinalakay ang mga legal na kuwalipikasyon, ang pagkakasangkot sa mga iregularidad sa mga programa at proyekto, ang naging tungkulin sa huling posisyon sa gobyerno, at maging usapin sa estado ng kalusugan.
Kamakailan, may mga demanda at kontra asunto na rin tungkol sa umano’y bastos na pananalita.
Sa panahon ng kampanya, inilahad ang mga plano at plataporma. Halos magkakapareho ang mga plataporma ng mga kandidato para sa isang mabuting pamamahala, at prioridad lang ang tanging kaibahan—nariyang ang pinakakinakailangan ay ang pagpapatuloy ng mahusay na gobyerno, mayroong isusulong ang pagsigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng mas maraming trabaho, may nangangako ng gobyernong may puso at malasakit sa mahihirap, mayroong sumusumpang susugpuin ang ilegal na droga at krimen sa loob ng maikling panahon, at nariyan din ang determinadong ibalik ang sistema na tanging ang may sapat na kakayahan lang ang makapaglilingkod sa gobyerno.
Nilibot na ng mga kandidato ang iba’t ibang panig ng bansa sa nakalipas na 90 araw ng kanilang kampanya, nagsipagtalumpati, kinamayan ang napakaraming tao, at sinikap na mapagbigyan ang lahat. Ngunit, siyempre pa, masyadong malaki ang bansa para malibot ito ng sinuman, kaya kinakailangang umasa, sa magkakaibang antas, sa mass media upang maiparating ang mensahe sa lahat.
Ang debate ng mga kandidato sa pagkapangulo ngayon ay isang oportunidad para sa mga botante upang muling masilayan at mapakinggan ang mga kandidato sa huling paghaharap-harap. Isa itong pagkakataon upang malinaw na maiparating ng mga kandidato ang kani-kanilang plano sa bansa sakaling palarin silang mahalal. At dahil nasa telebisyon, hindi lamang ang kanilang mga salita ang mapakikinggan; makikita rin kung paano sila magsalita, ang bawat nilang kilos, ang kanilang facial expressions, na mabubusising lahat ng mga nanonood na botante.
Umasa tayong sa huling presidential debate na ito sa Phinma University of Pangasinan sa Dagupan City, na inorganisa ng Commission on Elections katuwang ang ABS-CBN, ang Manila Bulletin, at ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, ay maiiwasan na ang mga negatibong insidente na nakaapekto sa mga naunang debate. Maraming responsableng pinuno ng bansa ang nanawagan na manatiling sibilisado ang pangangampanya, iwasang gumamit ng mga salitang hindi akma at nakasasakit, at piliin ang mga salita at kilos na inaasahan sa isang opisyal ng gobyerno na pinupuntirya nila.
Nawa’y ang huling paghaharap-harap na ito ng mga kandidato ay maging isang tunay na demokratikong talakayan na makaiimpluwensiya sa mga natitirang araw ng kampanya at tutukoy sa gobyerno na pipiliin nating maglingkod sa atin sa susunod na anim na taon.