NAKAALERTO sa lumilinaw na paninindigan ng China sa South China Sea, pinaiigting ngayon ng mga gobyerno sa Southeast Asia ang mga pagsisikap upang mapalitan ang mga lumang fighter aircraft, kaya naman umaalagwa ngayon ang mga multi-bilyong dolyar na kasunduan sa kapakinabangan ng mga gumagawa ng warplanes.

Sa kabila ng limitadong budget ng mga bansa sa rehiyon, inihayag ng mga sales executive na abala sila sa nakalipas na mga linggo makalipas ang limang taong pananamlay ng industriya—at sinabi ng mga source mula sa industriya at sa mga gobyerno na sa mga susunod na buwan ay may posibilidad na magkaroon ng ilang multi-bilyong dolyar na transaksiyon mula sa Malaysia hanggang sa Vietnam.

Sa isang trade conference na idinaos sa Kuala Lumpur ngayong linggo, dumagsa ang mga interesadong mamili at mga nagbebenta mula sa mga kumpanyang Russian, French, British, Chinese, Pakistani at American. Idinadaos kada dalawang taon, iniulat ng mga dumalo na ngayong taon na marahil ang pinakaabala para sa kanila.

Pangunahing bebentahan ang isa sa pinakamalaki ang gagastusin sa rehiyon: ang Malaysia, na papalitan na sa wakas ang Russian 1990s-era MiG-29 fighters nito makalipas ang ilang taong pagpapaliban. Ayon sa industry sources, plano ng Kuala Lumpur na bumili ng hanggang 18 jet, isang transaksiyon na aabot ang halaga sa mahigit $2.5 billion.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa mga pagpipilian ang Saab Gripen, ang Eurofighter Typhoon, ang Russian Sukhoi Su-30, at ang Sino-Pakistani JF-17. Kumpiyansa ang France na makakukuha ito ng order para sa Dassault-built Rafales, ngunit positibo rin ang iba pang bidder.

“We are hoping to make Malaysia the ninth country to buy the Typhoon,” sabi ni John Brosnan, na namumuno sa transaksiyon sa Asia para sa BAE Systems, isa sa mga katuwang ng Eurofighter consortium.

Tumangging magkomento sa usapin ang kagawaran ng depensa ng Malaysia.

Pumapangalawa sa listahan ng mga mamimili ang Vietnam, na handa nang sumugal sa alternatibo sa matagal na nitong supplier na Russia. Una na itong nakipag-usap sa Saab at sa Dassault ng France upang bumili ng 12 fighter jet, ayon sa mga source mula sa industriya.

“They seem to be keen on moving away from Russia, but it has been dormant so far,” sabi ni Kaj Rosender, regional director para sa Gripen exports ng Saab. “It looks like the next call will be on Vietnam.”

Bibihirang magkomento ang Vietnman sa mga usaping gaya nito.

Bagamat nagdadalawang-isip na isapubliko ang komento, sinabi ng mga opisyal sa mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Indonesia at Vietnam, na ang biglaang interes nila sa pagbili ng mga bagong fighter jet ay bunsod ng pagiging agresibo ng China sa pinag-aagawang South China Sea.

Iniulat ng Chinese state media noong nakaraang linggo na lumapag ang military plane ng Beijing sa Fiery Cross Reef, isa sa mga bagong runway na itinayo sa mga artipisyal na isla, at tumindi ang espekulasyon na magpapalipad na ang China ng mga fighter jet nito sa maraming bansa sa Southeast Asia na nakikipag-agawan sa mga isla sa South China Sea.

“Rising tensions in (the Asia Pacific region) have seen a long overdue process of military modernization move up the political agenda in a number of countries,” saad sa report ni Craig Caffrey, principal analyst sa IHS Jane. “The Philippines, Indonesia, Japan and Vietnam are all following China’s lead and we see no sign of this trend coming to an end.” (Reuters)