ISULAN, Sultan Kudarat – Sorpresang sumugod ang libu-libong raliyistang magsasaka sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA)-Region 12 sa Koronadal City, North Cotabato nitong Biyernes.

Alerto namang agad na kumilos ang mga operatiba ng North Cotabato Police Provincial Office para tiyaking magiging payapa at maayos ang kilos-protesta.

Iginigiit ng mga magsasaka na ipamahagi sa kanila ang ayudang bigas ng kagawaran, kasabay ng pagkondena sa marahas na dispersal sa mahigit 5,000 magsasaka sa Kidapawan City, na ikinamatay ng tatlong raliyista nitong Abril 1.

Nabatid na ang grupo ay nasa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at ilan pang grupo na kumukondena sa anila’y mabagal na pagtugon sa apela ng mahihirap na nangangailangan ng makakain dahil sa kawalan ng ani.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Kasunod nito, nagtatag ng mga checkpoint ang pulisya at militar sa Sultan Kudarat at papasok sa North Cotabato, habang bantay-sarado rin ng mga pulis ang National Food Authority (NFA)-Region 12 sa Tacurong City. (Leo P. Diaz)