ANG panahon ng eleksiyon sa isang demokratikong bansa, ‘tulad ng iniibig nating Pilipinas, ay paraan ng mga botante para makapili ng kandidatong kanilang iluluklok na sa paniwala nila’y matapat na makapaglilingkod sa bayan.
Ito rin ang pagkakataon para mapaalis na sa puwesto ang mga mandarambong. Ang mga pinunong sakim at mariing hampas ng langit sa bayan.
Tayo ay nagdaraos ng halalan sa bawat tatlong taon na lilipas. At kung magkasabay ang national at local election, nagiging buhay na buhay ang panahon sapagkat nagsusulputang parang kabute ang mga nagnanais na maglingkod sa bayan.
Sumusulpot ang ang mga kandidato sa pagkapangulo na nais tumira sa Malacañang ng anim na taon na libre ang lahat ng naisin. Sa panahon ng kampanya, maririnig ang kaliwa’t kanang patutsdahan. Nalalantad din sa bayan kung sino sa mga sirkero at payaso sa pulitika ang masalapi at nakahilata sa kayamanan.
Sa larangan ng pulitika ay kapansin-pansing dominado palagi ang mga kalalakihan. Ngunit sa paglipas ng panahon, nagkaroon na ng karapatan ang mga kababaihan na lumahok sa pulitika. Sa mga lalawigan at bayan ng iniibig nating Pilipinas, may mga babaeng nahalal na maglingkod ng bayan. May mga nahalal na ring babae sa Senado at sa Kongreso, at noong 1986 nang bumagsak ang rehimeng Marcos, nahalal ang unang babaeng pangulo sa katauhan ni yumaong Pangulong Corazon C. Aquino, na sinundan naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ang makasaysayang lalawigan ng Rizal ay isa sa mga probinsiya na bumubuo ng CALABARZON o Region IV-A. Ang apat na iba pang lalawigan ay ang Cavite, Laguna, Batangas at Quezon. Sa mga nabanggit na bayan, tuwing halalan ay may lumalahok na mga babaeng kandidato. Ang iba’y nagwawagi at nagkakaroon ng pagkakataon na maglingkod sa kanilang mga nasasakupan.
Sa Laguna, ang unang babaeng punong lalawigan ay si dating Governor Ningning Lazaro. Sa Rizal naman ay si Governor Nini Ynares. Sa ngayon, si Gov. Ynares ang governor at kandidata sa May 9 election.
Sa political history ng Rizal, ngayong 2016 election ay dumami ang babaeng kandidata. Sa pagkagobernador ay pinangungunahan ni Gov. Ynares ng Nationalists People Coalition (NPC). Nag-iisang kandidata sa pagka-board member ng 2nd district si Dr. Olivia de Leon. Sa Pililla, kandidata sa pagka-alkalde si Gng. Anna Maria David Masikip, ang butihing maybahay ni Mayor Leandro Masikip na tumakbo namang vice mayor. Sa Baras, re-electionist naman si Mayor Catherine Robles at vice mayor niya ang kanyang ama na si Vice Mayor Willie Robles.
Sa Antipolo City, kandidata sa pagka-vice mayor si City Council member Ka Pining Gatlabayan. Siya ang running mate ni Antipolo City Mayor Jun Ynares lll. Kandidata naman sa pagka-congresswoman si Chiqui Roa Puno, ng unang distrito ng Antipolo. Babae rin ang kandidata sa pagka-alkalde sa San Mateo, Rizal na si Vice Mayor Tina Diaz. Sa Taytay, dalawa ang kandidata sa pagka-vice mayor. Re-electionist naman si Taytay Mayor Janet De Leon Mercado.
(Clemen Bautista)