Handa na ang Commission on Elections (Comelec) na ipadala ang mga balota sa mahigit 92,000 presinto sa buong bansa sa pagtatapos ng ballot verification procedure.

Inihayag ni Comelec Chairman Andres Bautista na natapos na nila ang ballot verification process sa National Printing Office noong Biyernes.

“We are happy that it was finished today April 22, three days ahead of schedule,” sabi niya sa isang panayam.

“Because of this we will now start with the deployment of ballots and other paraphernalia that we will use in this elections,” dagdag ni Bautista.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Magugunita na natapos ng poll body ang pag-iimprenta sa 56.7 milyong balota para sa May 2016 polls noong Abril 8.

Kaugnay nito, sinabi ni Bautista na magsisimula ang pagpapadala ng mga balota sa Abril 25 sa pinakamalalayong probinsiya.

Ang verification ay ang proseso ng manu-manong pagsasalang ng mga balota sa Vote Counting Machines upang malaman kung taglay ng mga ito ang tamang security features at specification na itinakda ng poll body.

Kapag hindi, iluluwa ng mga VCM ang mga balota.

Ang mga depektibong balota ay iku-quarantine at muling iimprenta hanggang sa pumasa sa verification process.

Titiyakin ng procedure na walang depektibong balota na makararating sa mga presinto at magamit sa Election Day.

Dumaraan ang mga balota sa verification gamit ang aktuwal na VCM. Bukod sa iba’t ibang depekto, matutukoy din ng VCM kung ang naberepikang balota para sa isang partikular na presinto ay kumpleto. Kapag kulang o nawawala ang balota, muling iimprenta at ibeberipika ang mga ito. (LESLIE ANN AQUINO)