Iginiit ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na kailangang ipagpaliban hanggang sa susunod na taon ang implementasyon ng K to 12 educational program.
Aniya, dalawang buwan bago magsimulang muli ang pasukan ay hindi pa rin nasisiguro ng pamahalaan na may sapat na pasilidad para sa mga mag-aaral na sasalang sa bagong kurikulum na senior high school (SHS), lalo na sa mga pampublikong paaralan.
“Ipagpaliban ang K-12 dahil hindi pa handa ang gobyerno. Wala pang classrooms at kulang sa training ang mga teacher,” paliwanag ni Escudero na tumatakbong pangalawang pangulo sa ilalim ng “Gobyernong may Puso” katuwang ang nangungunang kandidato sa pagkapangulo na si Sen. Grace Poe.
Ayon mismo sa pinakahuling ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang ahensyang inatasan na gumawa ng mga gusali para sa Department of Education (DepEd), marami pa ring silid-aralan ang hindi pa natatapos.
Sinabi ng DPWH na may 60,893 na silid-aralan ang dapat sanang natapos noong 2014 at 2015. Gayunpaman, nitong nakaraang Disyembre ay tanging 14,936 pa lamang ang natatapos, 33,309 ang kasalukuyang ginagawa, 377 ang nasa proseso ng procurement at 12,202 ang tinatapos ng mga DepEd division office.
Aabot sa 5,902 na pampublikong paaralan na pinatatakbo ng DepEd ang magsisimulang magturo ng Grade 11 sa taong ito at Grade 12 sa 2017. Ang mga bagong silid-aralan at pasilidad para sa mga pampublikong paaralan ay ipinatayo gamit ang pondong inilaan sa DepEd para sa taong 2014 at 2015. (BELLA GAMOTEA)