Julia copy copy

“EH, busy pa po kasi ako,” sagot ni Julia Montes sa paulit-ulit na tanong sa kanya ng entertainment press tungkol sa kanyang lovelife sa thanksgiving party ng seryeng Doble Kara kasama si Sam Milby noong Biyernes ng hapon sa 9501 Restaurant.

“Grabe, kinakabahan ako, eh,” dagdag pa ng dalaga, “ano, focus po muna sa work. Ano ba, busy nga po kasi ako, hindi ko nga alam kung pag-uwi ko kung sino ako, si Sara o ano.”

Obviously, si Coco Martin ang tinutukoy ng lahat dahil nga matagal na rin namang sinabi ng aktor na masarap alagaan ang dalaga at willing siyang maghintay kung kailan puwede na itong ligawan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Hindi tinantanan ang aktres na tinanong din kung bakit hindi namamatay ang isyu sa kanila ni Coco. Hindi alam ni Julia kung paanong upo ang gagawin at nag-blush bigla, kaya halatang may itinatago siya.

“Hindi po ba dapat hindi babae ang sasagot, di ba?”

Hiyawan ang reaksiyon ng entertainment press.

Sa one-on-one interview, hiningan namin si Julia ng komento sa sinabi ni Ritz Azul na crush nito si Coco Martin.

“Siyempre, grabe, guwapo naman talaga si Coco and talented kaya sino ba naman ang hindi magkakagusto sa kanya, for sure halos lahat ng babae ay magkakagusto sa kanya,” mabilis na sagot ni Julia.

Walang kurot (selos)?

“Wala, grabe,” napangiting sagot ng dalaga.

Aminado si Julia na hindi siya komportable sa mga tanong tungkol sa lovelife niya sa Q and A at hindi siya marunong magsinungaling

“Kaya nga po ako yumuyuko sa inyo,” pa-cute niyang sagot.

So, sila na (ni Coco)?

“Grabe naman po mga tanong n’yo,” paiwas na sagot ng dalaga. “Super iba lang ang communication namin ngayon.”

Anong klaseng communication?

Hindi na naman makasagot ang dalaga kaya iniba namin ang tanong, na kung may usapan ba sila ng aktor na pagdating ng panahon ay aamin na sila.

“Nag-uusap naman po kami,” malabong sagot ng dalaga. “Huwag na ako (ang tanungin). Siya (Coco) na lang po muna (ang pasagutin) ng mga tanong ninyo.”

Tawa kami nang tawa nang tila lumubog na sa kinauupuan si Julia nang tanungin kung ano ang masasabi niya na sa kanya inihandog ni Coco ang tropeong natanggap nito kamakailan sa 47th Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation nang manalong Phenomenal Box Office Star kasama sina Vice Ganda, Bea Alonzo at John Lloyd Cruz.

“Bakit ako?” nauutal na sagot ng dalaga.

Pero inamin ni Julia na kung may taong komportable siyang kasama at pinagkakatiwalaan niya nang husto sa showbiz ay walang iba kundi si Coco Martin.

Edad 17 si Julia noong maging close sila ni Coco kaya sinabi namin sa aktor na nagdadalaga na siya at nag-mature nang husto, na inoohan naman niya.

“Lahat ng blessings na dumating sa akin, lahat ng mature roles ko, siya na talaga ang kasama ko. Siya rin talaga ang isa sa mga tumulong sa akin, ito kung ano po ang naibibigay ko ngayon,” pagtatapat ng aktres.

Hindi agad nakasagot si Julia nang tanungin kung si Coco na ba ang nakikita niyang companion in the future?

“Nakakaloka ang mga question!” ang sabi.

Samantala, inamin ni Julia na nahihirapan siya sa papel niya bilang kambal na mabait at mataray sa Doble Kara.

Hiyang-hiya rin siya kapag hinihintay siya sa set ng mga kasama niya para magpalit ng anyo.

“Mas nagiging conscious po ako na sana hindi naman sila maghintay ng matagal kasi sa isang araw, siguro limang beses o apat ‘yung eksena ng kambal. Kaya binibilisan namin ‘yung pagme-make up sa akin, kasi may mga emosyon din silang hino-hold bukod sa akin na nagja-jump lang ako sa isang karakter.

“Eh, sila, imi-maintain nila ‘yung karakter nila, ‘yung emosyon nila, eh, mahirap po kapag nasa emotional part sila ng eksenang iyon,” paliwanag ng aktres.

At sa wedding scene nina Kara at Seb (Sam), una siyang kinunan bilang bride at sumunod ang karakter niya as Sara bilang bridesmaid.

Mas kaabang-abang daw ang pagbubukas ng book two ng Doble Kara dahil maraming pagbabago sa bawat karakter lalo na sa pagkakaroon ng anak ang kambal.

Ipinagmamalaki naman ng Dreamscape Entertainment na nakamit ng Doble Kara ang all-time high national TV rating na 19.1%, mula sa direksyon nina Manny Palo, Jon Villarin at Erik Salud. (Reggee Bonoan)