MALLIG, Isabela - Limang bahay ng mga barangay kagawad at isang sibilyan ang pinaulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga armado sa Barangay Siempre Viva Norte sa bayang ito, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Chief Insp. Charlemagne Tabije, hepe ng Mallig Police, ang mga biktimang sina Erlinda Naval, 57, may asawa; Antonio Bustamante, 47, may asawa; Danilo Mangabat, 54, may asawa; Felipe Montoy, 57, pawang kagawad ng Bgy. Siempre Viva Norte; at Gerry Agbayani, 52, magsasaka, residente rin sa nasabing barangay sa Mallig, Isabela.
Dakong 9:00 ng gabi nitong Biyernes nang magkakasunod na paulanan ng bala ang mga bahay ng limang biktima.
Pinaniniwalaang pananakot ang pakay ng mga suspek, at sinasabing may kaugnayan sa pulitika ang serye ng pamamaril.
Patuloy naman ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong armado.
Nakuha sa paligid ng bahay ni Naval ang 14 na basyo ng caliber 5.56mm, at walong basyo ng caliber 7.62mm, habang may tigsiyam na basyo ng caliber 7.62mm na natagpuan malapit sa mga bahay nina Bustamante at Mangabat.
Sa kabuuan, may 10 basyo ng caliber 5.56mm at pitong basyo ng caliber 7.62mm ang natagpuan sa paligid ng mga bahay nina Montoy at Agbayani. (LIEZLE BASA IÑIGO)