ILOILO CITY – Dahil sa ilang buwan nang pananalasa ng tagtuyot na dulot ng El Niño phenomenon, isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Iloilo.

Matapos ang matinding deliberasyon sa sesyon nitong Biyernes, nagdeklara ang Sangguniang Panglalawigan ng state of calamity sa buong probinsiya. Dahil dito, magagamit na ang P33.7-milyon emergency fund ng Iloilo Task Force El Niño.

Ginisa ng mga Bokal na sina June Mondejar at Ninfa Garin si Jerry Bionat, executive director ng Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), bago ipinasa ang deklarasyon sa state of calamity.

Ayon sa PDRRMC, una nang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng Bingawan, Calinog, Dingle, Dueñas, Estancia, Miag-ao, at Sta. Barbara, dahil sa kawalan ng sapat na supply ng tubig, at sa matinding epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Iloilo Provincial Agriculturist Ildefonso Toledo na napinsala ng ilang buwang tagtuyot ang 81,592.62 metriko-tonelada ng bigas, o katumbas ng P1 bilyon ani ng mga magsasaka.

Kasabay ng pagdedeklara ng state of calamity, nagbabala si Iloilo Vice Governor Raul Tupas na hindi dapat mahaluan ng pulitika ang pamamahagi ng calamity fund sa mga apektadong bayan sa lalawigan, lalo na ngayong panahon ng eleksiyon. (Tara Yap)