JAKARTA (Reuters) – Nangangamba ang Indonesia na ang pamimirata sa abalang shipping route sa maritime border nito sa Pilipinas ay maaaring maabot ang antas na nasaksihan sa Somalia kapag hindi hinigpitan ang seguridad, sinabi ng chief security minister noong Huwebes kasunod ng bugso mga pagdukot.

Ang baybaying ito ay parte ng pangunahing shipping arteries na dinaranaan ng $40 billion halaga ng cargo bawat taon, ayon sa analysts, at ang corridor ay ginagamit ng mga supertanker mula sa Indian Ocean na hindi makadaan sa siksikang Malacca Strait.

May kabuuang 18 Indonesian at Malaysian ang dinukot sa magkakahiwalay na pag-atake sakay ng mga tugboat sa mga tubig ng Pilipinas sa nasabing ruta, ng grupo na pinaghihinalaang may kaugnayan sa bandidong Abu Sayyaf sa Pilipinas.

Ang Abu Sayyaf, isang grupo na bantog sa mga pagdukot, pamumugot at pangingikil, ay humihiling ng P50 million ($1.1 million) kapalit ng pagpapalaya sa Indonesian crew.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“We don’t want to see this become a new Somalia,” pahayag ni Indonesian chief security minister Luhut Pandjaitan sa mga mamamahayag, na ang tinutukoy ay ang Sulu Sea sa katimogan ng Pilipinas, kung saan nangyari ang mga pagdukot.

Humupa na ang pamimirata malapit sa mga baybayin ng Somalia nitong mga nakalipas na taon, dahil sa pag-upa ng shipping firms ng private security details at presensiya ng international warships.

Magpupulong ang mga foreign minister ng Malaysia at Pilipinas at Indonesia sa Jakarta upang talakayin ang posibilidad ng “joint patrols in order to secure the passage from Indonesia to the Philippines,” ani Pandjaitan.

Hindi siya nagbigay ng petsa para sa pagpupulong, ngunit idinagdag na ang armed forces chiefs ng tatlong bansa ay magpupulong din sa Jakarta sa Mayo 3.

Nagpulong ang Indonesian security and transport officials noong Huwebes para talakayin ang pagpapaigting sa seguridad sa lugar.

Nagbabala ang Kuala Lumpur-based Piracy Reporting Centre nitong linggo sa lahat ng behikulo na lumalayag sa Celebes Sea at sa hilagang silangan ng Sabah sa isla ng Borneo na umiwas sa maliliit at kahina-hinalang sasakyang pandagat.

Sa unang pagkakataon, ang tumataas na bilang ng mga pag-atake sa dagat ng mga pinaghihinalaang Islamist militant ay sinisira ang coal trade ng magkakatabing bansa sa timog silangang Asia.

Ang Indonesia, ang world’s largest thermal coal exporter, ay nagsu-supply ng 70 porsiyento ng pangangailanan sa coal ng Pilipinas.

Ngunit sa pagtaas ng pangamba sa seguridad, hinarang ng mga awtoridad at ilang Indonesian coal ports ang paglayag ng mga barko patungo sa Pilipinas, inilalagay sa alanganin ang shipment schedules ng ilan sa top producers ng bansa.

“The Indonesians’ move to ban coal shipments are their own domestic actions, thus it’s their prerogative,” sabi ng spokeswoman ng Regional Cooperation Agreement on Combating Piracy and Armed Robbery against Ships in Asia (ReCAAP).

Ang government-to-government group na nakabase sa Singapore, na nakikipagtulungan kaugnay sa mga isyu ng anti-piracy, ay nakikipag-ugnayan sa Malaysia at Pilipinas kaugnay sa mga hijacking, aniya.

Sa layuning mahinto ang umuusbong na kidnap “industry”, hinimok ng military ng Pilipinas ang shipping companies na huwag magbayad ng ransom sa para sa mga bihag na hawak ng mga bandido.

Ang huling outbreak ng Somali piracy, at sa dulo ng nakalipas na dekada, ay ikinalugi ng bilyun-bilyong dolyar ng shipping industry ng mundo matapos harangan ng mga pirata ang shipping lanes, dinukot ang daan-daang marino at inagaw ang mga barko na naglalayag mahigit 1,000 milya ang layo mula sa baybayin ng Somalia.