JOHANNESBURG (AP) – Ano ang pagkakatulad nina Adam Scott, Vijay Singh at Louis Oosthuizen? Bukod sa pagiging major champion, pawang tumalikod ang tatlo sa pagkakataon na makalaro sa makasaysayang golf competition sa Rio Olympics.

Ipinahayag ng South African golf star, 2010 British Open champion sa St. Andrews, nitong Biyernes (Sabado sa Manila) na hindi siya lalaro sa Olympics na nakatakda sa Agosto 5-20, sa Brazil.

Si Oosthuizen ang ikatlong major champion na umayaw sa Olympics habang papalapit ang pormal na pagpapahayag ng mga players na kuwalipikadong lumaro sa kauna-unahang golf competition sa quadrennial Games mula noong 1904.

“I have always represented South Africa with pride, so didn’t make my decision without a great deal of thought,” pahayag ni Oosthuizen, ang world No.12

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nitong Martes, ipinahayag ni Adam Scott ng Australia, 2013 Masters champion at world No.7, na hindi siya lalaro sa Olympics bunsod ng gipit na iskedyul sa kanyang international competition.

Nagpahayag din ng pag-atras si Singh, three-time major titlist mula sa Fiji.

Sa kabila ng kawalan ng panalo sa PGA Tour sa nakalipas na walong taon, kuwalipikado ang 53-anyos na si Singh bilang tanging Fiji player na may ranking points.

Ikinalungkot ni Peter Dawson, pangulo ng International Golf Federation, ang desisyon ng tatlo, ngunit nauunawaan umano niya ang dahilan at pananaw ng tatlong major champion.

“The IGF understands the challenges players face in terms of scheduling this summer and it is regrettable to see a few leading players withdraw from this year’s Games.

“The Olympics is the world’s greatest celebration of sport and it is exciting and appropriate that golf features in its program again. Real history will be made at this year’s Olympic competitions and it is our belief that the unique experience of competing will live forever with athletes that take part,” aniya.

Kailangang sumailalim sa drug test ang mga kuwalipikadong golfer sa Mayo 6, isang pamamaraan na mas mahigpit sa random testing na ginagawa sa PGA Tour. Ang lahat ng kandidatong player sa Rio Games ay kailangang maging handa sa drug test sa anumang pagkakataon at kailangang maipaalam sa opisyal ang kanilang kinalalagyan.

Nagbabalik sa Olympics ang golf mula nang huling laruin noong 1904. Sasabak sa 72-hole stroke-play ang 60 lalaki at 60 babae na kalahok. Ibinase ang kuwalipikasyon ng mga kalahok sa world ranking kung saan hindi papayagan ang isang bansa na makapagsumite ng mahigit sa dalawang player kung kabilang sa top 15.

Bunsod ng pag-atras ni Scott, mapupunta kay Marc Leishman (No. 34) ang puwesto. Posible ring makalaro para sa Australia sina Jason Day, kasalukuyang No. 1. , habang si dating Masters champion Charl Schwartzel (No.20) ang posibleng humalili kay Oosthuizen. Si Branden Grace, nasa No.11, ang highest-ranked South African.