Aabot sa pitong sundalo ng Philippine Marines ang nasugatan sa panibagong sagupaan sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu nitong Biyernes.
Ayon sa ulat ng militar, nagsasagawa ng manhunt operation ang mga miyembro ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8 at 10 laban sa mga miyembro ng ASG nang matiyempuhan ng mga sundalo ang isang grupo ng mga bandido sa magubat na lugar ng Barangay Batungan, dakong 10:00 ng umaga nitong Biyernes.
Bukod sa pitong sundalo ng Marines, sinabi ng militar na marami rin ang sugatan sa hanay ng Abu Sayyaf.
Pinaigting ng gobyerno ang manhunt operation laban sa mga miyembro ng Abu Sayyaf matapos ang pagdukot sa mga Malaysian at Indonesian crew member ng isang tugboat sa Mindanao, ilang linggo na ang nakararaan.
Kinilala sa ulat ang pitong sugatang sundalo na sina Sgt. Rodguer Bilbao, Cpl. Dennis Buela, Cpl. Jonathan Natividad, Cpl. Philip R. Jaravilla, Pfc. Michael Galduen, Pfc. Nestlie Tangonan, pawang tauhan ng MBLT-8; at Pfc. Allan Guingayan, ng MBLT-10.
Kasalukuyang ginagamot ang pito sa Camp Navarro General Hospital sa Western Mindanao Command headquarters sa Zamboanga City. (Nonoy E. Lacson)