Kasado na ang ikatlo at huling debate ng mga kandidato sa pagkapangulo na sasabak sa PiliPinas Debates 2016, na gaganapin sa Phinma University of Pangasinan sa Dagupan City, ganap na 6:00 ng gabi ngayong Linggo.

“This debate is very important because it is an opportunity for people to gauge the capability of the candidates,” sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez.

“The format of this debate will help voters discern because the candidates themselves get to ask other candidates the burning issues of the day regarding them...it’s an opportunity to hear candid answers and that will help form the decision of voters on Election Day,” dagdag niya.

Ang ikatlong serye ng PiliPinas Debate 2016 ay pinangunahan ng Comelec, sa pakikipagtulungan ng mga media partner na ABS-CBN network, Manila Bulletin, at Kapisanan ng mga Broadkaster sa Pilipinas (KBP).

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Sa pamamagitan ng “town hall format”, mabibigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong Pinoy na kumakatawan sa iba’t ibang sektor na makapagtanong kina Vice President Jejomar Binay, Sen. Grace Poe, Sen. Miriam Defensor-Santiago, dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Inaasahan na muling magtatagisan ng talino ang limang presidentiable sa mga isyu ng matinding trapiko, palpak na sistema ng transportasyon, lumalalang kriminalidad sa bansa, kalusugan ng mamamayan, kurapsiyon sa gobyerno, at iba pa.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga kandidato na gisahin ang kanilang mga katunggali sa pamamagitan ng Face-Off segment sa iba’t ibang usapin.

Sabay-sabay na ieere ang makasaysayang okasyon sa ABS-CBN, ANC channel at DZMM teleradyo simula 6:00 ng gabi, kasabay ng regular na pagpapaskil ng mga latest update sa Manila Bulletin online at official Facebook account ng MB.

(LESLIE ANN G. AQUINO)