NANG ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng imbestigasyon nito noong Disyembre 2015 at inihayag na ang “tanim-bala” ay isa ngang modus para makapangikil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), inakala nating natuldukan na ang usapin.
Taliwas sa iginigiit ng mga opisyal ng administrasyon, sinabi ng NBI na may racket para biktimahin ang mga papaalis na pasahero, nilalagyan ng mga bala ang bagahe ng mga ito, at sa huli ay hihingi ng pera mula sa mga ito kapalit ng hindi na pagsasampa ng kaso. Ginawa ito ng “corrupt opportunists”, ayon sa NBI kasabay ng pagsasampa ng kaso sa dalawang tauhan ng Office of Transportation Security at apat na operatiba ng Aviation Security Group ng Philippine National Police.
Wala nang iba pang narinig tungkol sa “tanim-bala” pagkatapos nito—hanggang nitong Martes nang isang 75-anyos na babae mula sa Guiuan, Samar, at biyaheng California kasama ang kanyang asawa upang bisitahin ang anak nilang babae sa San Diego, ang pinigil sa NAIA Terminal 1 makaraang madiskubre ang isang bala ng .38 caliber revolver sa kanyang shoulder bag sa huling x-ray examination.
Iyon pa rin ang kuwento. Sinabi ng anak na babae ng mag-asawa na maingat nilang inihanda ang mga bagahe ng mga ito dahil sariwa pa rin sa kanilang isipan ang mga insidente ng “tanim-bala” noong 2015. “Akala namin ay sa telebisyon lang nangyayari ang ganito,” ayon sa 75-anyos na babae. Gaya sa mga naunang kaso, agad na nagpadala ng mga abogado ang Public Attorney’s Office sa paliparan upang tulungan ang matanda. “Matagal ko nang pinaninindigan na ang pag-iingat ng isang piraso ng bala ay hindi paglabag,” ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta.
Sa kainitan ng kontrobersiya sa “tanim-bala” noong nakaraang taon, nagsagawa ang Kongreso ng mga imbestigasyon sa mga insidente na nagdulot ng pandaigdigang kahihiyan sa bansa dahil sa mga ulat tungkol sa mga kaso na kumalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Maging ang mga dayuhan ay binalot ng plastic ang kani-kanilang bagahe upang hindi masingitan ng bala ang mga ito.
Matapos ang imbestigasyon at paglalabas ng ulat ng NBI noong Disyembre, wala nang narinig na anuman tungkol sa “tanim-bala”—hanggang ngayong linggo. Ang modus—gaano man kadirekta ang salitang ito—ay malinaw na muling nabuhay.
Ganoon na ba talaga kawalang respeto sa batas ang ilan sa paliparan kaya binuhay nilang muli ang isang luma nang extortion racket? Sadya bang walang silbi ang awtoridad sa NAIA at hindi nila magawang masugpo ito? Uulitin ba nating uli ang nangyari noong 2015 nang ang ating NAIA—at madadawit, siyempre pa, ang gobyerno ng Pilipinas—ay maging buntunan ng panlilibak at pagkondena mula sa iba’t ibang sulok ng mundo?