NAGSALITA na si Sheryl Cruz para linawin ang mainit na isyu sa kanilang pamilya na ilang araw nang usap-usapan sa showbiz at pulitika.
Ayon mismo kay Sheryl, walang kinalaman sa eleksiyon ang pagbabakasyon sa Pilipinas ng kanyang inang si Rosemarie Sonora. Hindi niya pinangarap na mailantad ang ina sa anumang kontrobersiya sa pulitika.
Itinanggi rin ng aktres ang tsismis na may usapang nagaganap sa kampo nila at sa kampo ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Hindi rin daw totoo na magpapatawag sila ng presscon at may pasabog na isisiwalat laban sa pinsan niyang si Sen. Grace Poe na tumatakbo rin sa panguluhan.
Dagdag pa ni She, wala silang kinalaman sa naglalabasang tsismis na kesyo susuportahan ng buong pamilya niya ang kalaban ni Grace Poe. Katunayan, habang kinakapanayam namin siya ay wala pa rin daw siyang ineendorsong kandidato sa pagkapangulo.
“I totally disclaim/disown any political ads stating that I support and endorse other presidential candidate,” lahad pa ni Sheryl at idinagdag na kung may napipisil na raw naman siyang iboboto para president, hindi ibig sabihin ay ipapangalandakan niya iyon agad sa publiko.
“I have not decided yet who to support for any presidential candidate. Whatever may appear in the social media is false and is contrary to Filipino culture that we all adhere to,” pahayag pa ng aktres.
Pati ang kapatid niyang si Renzo Cruz na isa sa mga loyal staff ni Sen. Grace Poe ay iniintriga na naimpluwesiyahan na rin daw ni Sheryl para sumama sa kampo ng mga Duterte, pero pinasungalingan ito ng aktres.
“Hindi po totoo ‘yan,” sabi pa niya.
Ayaw namang magkomento si Sheryl sa isyung hindi aware ang kanyang tiyahing si Susan Roces sa pagbabakasyon ng kanyang Mommy Rosemarie. Common knowledge sa showbiz na diretso sa bahay ng kapatid ang huli sa tuwing pagbabakasyon dito, pero ngayon daw ay nagulat na lang si Susan nang malamang nasa Pilipinas pala ang kapatid, huh! (JIMI ESCALA)