BEIJING (Reuters) – Lumalapit na ang China sa pagtatayo ng maritime nuclear power platforms na balang araw ay magagamit para suportahan ang Chinese projects sa pinagtatalunang South China Sea, base sa isang pahayagan nitong Biyernes.
Pinakakaba ng China ang mga bansa sa military at construction activities nito sa mga kapuluang inookupa nito sa South China Sea, kabilang na ang pagtayo ng mga paliparan, kahit na sinabi ng Beijing na ang mga ito ay para sa mga sibilyan, gaya ng mga parola.
Sinabi ng Global Times, isang maimpluwensiyang tabloid na inilathala ng official People's Daily ng Communist Party, na maaaring maglayag sa malalayong lugar ang nuclear power platforms at magbigay ng matatag na supply ng kuryente.
Inihayag ni Liu Zhengguo, pinuno ng general office ng China Shipbuilding Industry Corp., na namamahala sa pagdidisenyo at pagtatayo ng mga platform, na ang kumpanya "[is] pushing forward the work".
"The development of nuclear power platforms is a burgeoning trend," sabi ni Liu. "The exact number of plants to be built (by the company) depends on the market demand."
Idinagdag niya na "pretty strong" ang demand, nang hindi nagbibigay ng detalye.
Binanggit ng pahayagan ang isang ulat noong Enero ng China Securities Journal na inaasahang makukumpleto ang demonstration platform sa 2018 at magagamit na sa susunod na taon.
Sinabi ni Chinese naval expert Li Jie sa pahayagan na ang mga platform ay makapagbibigay ng enerhiya para sa mga parola, search and rescue equipment, defence facilities, paliparan at daungan sa Spratlys.
"Given the long distance between the Nansha Islands and the Chinese mainland and the changing weather and oceanic conditions, transporting fuel could be an issue, which is why developing the maritime nuclear power platform is of great significance," dagdag niya, ginamit ang Chinese name para sa Spratlys.