Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang mosyon ng isang transport group na humihiling na itigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng prangkisa sa mga driver na nais sumapi sa Uber at Grab.

Sa kautusan ni QCRTC Branch 84 Judge Luisito Cortez, hindi binigyang-pansin ng korte ang hiling na writ of preliminary prohibitory injunction ng Angat Tsuper Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization Transport Coalition (STOP and GO).

“In an Order dated April 20, 2016, the court dismissed STOP and GO’s request for a writ of preliminary prohibitory injunction, which would have prevented the DoTC and the LTFRB from issuing franchises to transportation network vehicle service (TNVS) operators,” bahagi ng pahayag ng LTFRB.

Nagharap ng kaso ang STOP and GO laban sa LTFRB at Department of Transportation and Communication (DoTC) upang mahinto ang pagpapalabas ng LTFRB ng accreditation sa mga behikulong nasa ilalim ng TNVS, katulad ng Uber at Grab.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kaugnay nito, binigyan ng hukuman ng 25 araw ang DoTC at LTFRB, simula Mayo 4, upang maghain ng manifestation bago desisyunan ng hukuman ang kaso.

Una nang kinuwestiyon ni STOP and GO President Jun Magno ang TNVS dahil bukod sa pagiging ilegal nito ay nakaaapekto ito sa kita ng mga behikulong nag-o-operate sa pangangasiwa ng mga utility transport driver na may prangkisa.

(Rommel P. Tabbad)