Sisimulan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang programang “Summer Games” na parte sa inoorganisa nitong family-oriented at community-based fitness activity na Laro’t-Saya sa Parke (LSP) bukas, sa makasaysayang Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.
Inaanyayahan ni PSC Chairman Richie Garcia ang publiko na lumahok sa libreng aktibidad at sumali sa mga isasagawa nitong mini-tournament sa grassroots sports development program na volleyball, badminton, football, chess at ang popular na Zumba Marathon.
“Parang culminating activity natin ito,” sabi ni Garcia, katulong sa pagpapatupad ng programa sina PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr. bilang project director, at Dr. Lauro Domingo Jr. na siyang project manager.
Isasagawa naman ang Laro’t Saya sa Parke Summer Games sa loob ng apat na linggo kung saan paglalabanan ang apat na sports na volleyball, football, badminton at ang Zumbathon.
Ganap na 5:00 ng umaga ang programa sa San Juan, kasunod ang LSP Imus sa Abril 30 ganap na 5:00 ng hapon na mattapos hanggang 7:30 ng gabi sa Imus City Plaza sa Cavite.
Ikatlo ang LSP Luneta sa Mayo 8 simula 5:00 hanggang 7:00 ng umaga bago ang ikaapat at panghuling aktibidad sa LSP Quezon City Memorial Circle sa Mayo 14 sa ganap na 5:00 hanggang 7:00 ng umaga.
Ipinaliwanag ni Iroy na walang registration fee sa pagsali kahit na may nakalaang cash prizes para sa top three male and female winners sa dalawang age groups na 18-40 at 41-55 na tig-P1,000, at tig-P750.