Pinasabog ng armadong kalalakihan ang isang improvised explosive device at nagpaulan ng bala sa magkahiwalay na campaign sortie ng Liberal Party (LP) sa Ilocos Sur at Sorsogon.
Ang unang pag-atake ay nangyari dakong 10:00 ng gabi nitong Miyerkules sa Barangay Comillas North sa Cervantes, Ilocos Sur, na isang campaign rally ang isinasagawa, sa pangunguna ni Mayor Benjamin Maggay, ang lokal na pambato ng partido.
Ayon sa ulat, nagsasalita sa entablado ang kandidato sa pagka-bise alkalde na si Robert Harnois nang umalingawngaw ang pagsabog may 60 metro ang layo mula sa lugar ng campaign rally.
“There was no reported injury or property damaged. All the people in the crowd, including the candidates, are safe,” sabi ni Supt. Marlon Paiste, tagapagsalita ng Ilocos regional police.
Makalipas ang isang oras, sa Sorsogon, narinig naman ang sunud-sunod na putok ng baril habang nagdaraos ng campaign sortie ang grupo ni Barcelona Vice Mayor Rolando Estopace, Sr. sa Barangay Mapapac.
“The incident caused panic and fear among the supporters and the candidates. Local police deployed to respond were able to recover 15 pieces of spent shells of .45 pistols,” sabi ni Senior Insp. Maria Luisa Calubquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5.
Kaugnay nito, nanawagan naman ng agarang imbestigasyon si Akbayan Rep. Barry Gutierrez, spokesman for campaign ng LP, sa aniya’y serye ng harassment laban sa mga tagasuporta ng partido. (Aaron Recuenco)