Habang papalapit ang eleksiyon ay lalong lumalakas ang laban sa Senado ni Valenzuela City Rep. Sherwin “Win” Gatchalian, at sa huling survey ng beteranong pollster na si Junie Laylo ay pumuwesto na sa ikawalo ang ranking ng kongresista.
Sa Laylo survey nitong Marso 26-Abril 1, pumasok sa rank 5-9 si Gatchalian, na may 35 porsiyentong voter preference.
Ang huling Laylo survey ay sumaklaw sa 79 na probinsiya at 40 highly-urbanized city, kasama ang 17 lungsod sa National Capital Region (NCR). Umabot sa 3,000 ang respondents na pawang registered voter.
“Accessible education for all” ang pangunahing adbokasiya ni Gatchalian, dahil naniniwala ang senatorial candidate ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) na ang edukasyon ang mag-aahon sa kahirapan sa maraming Pilipino.
Kabilang sa mga panukalang inakda ni Gatchalian ang House Bill No. 5905, o ang Free Higher Education Act, na aprubado na ng House Committee on Higher and Technical Education. Target ng panukala ang 100 porsiyentong libreng matrikula sa lahat ng state universities and colleges (SUCs).