SA kaliwa’t kanang krimeng sumasambulat sa mga mamamayan, ito ang maituturing na mas nakakikilabot at nakagagalit: Isang Pinay ang ginagahasa sa bawat 53 minuto. Nangangahulugan na nakalulula ang bilang ng mga kababaihan at kabataan na nagiging biktima ng mga hayok sa laman, wika nga, na naglipana sa mga lansangan: hindi malayo na sila ay kasalamuha pa natin sa ating mga tahanan.

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Center for Women’s Resources (CWR), kapani-paniwala na ito ay hindi nagbibiro. Sa katunayan, muling binigyang-diin nito na: “Every 53 minutes, a woman or child is raped.” Ipinahiwatig ng naturang grupo na ang naitalang kaso ng panggagahasa sa ilalim ng administrasyong Aquino ay nadagdagan ng 92 porsiyento – mula 5,132 noong 2010 at naging 9,875 noong 2014. Kaugnay nito, naitanong ng CWR: “What is the government doing about it?”

Hindi lamang panggagahasa ang gumigiyagis sa ating lipunan. Talamak din ang karumal-dumal na krimen na katulad na lamang ng pagpatay sa mga pulitiko na ang karamihan ay kasalukuyang kumakandidato. Bahagi ito ng madugong kultura ng pulitika na tinatampukan ng pag-aagawan ng kapangyarihan at ng pagkasilaw sa salapi. Bukod pa rito ang iniulat na pagpatay sa mag-ina, sa mismong mga pulis at iba pang krimen na kagagawan ng sinasabing thrill killers. Dagdag pa rito ang nakapanggagalaiting panggagahasa na isinasagawa sa mga taxi, kinakaladkad sa mga lansangan; may pagkakataon na matapos halayin ay pinapatay pa.

Iisa lamang ang angkop na parusa sa nabanggit na kahindik-hindik na mga krimen: Bitay sa pamamagitan ng lethal injection. Ibig sabihin, dapat ibalik kaagad ang parusang kamatayan, katulad nang paulit-ulit na pagbubunsod ng mismong mga mambabatas at ng iba pang sektor ng sambayanan, lalo na ng mga nagiging biktima ng mga kampon ni satanas. Halimbawa, ang panggagahasa ng ama sa sarili nitong anak ay hindi ba dapat lamang parusahan ng kamatayan?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tulad ng dapat asahan, ang pagbabalik ng death penalty ay aalmahan ng ilang sektor ng lipunan, lalo na ng Simbahang Katoliko. Laging iminamatuwid nito na tanging Diyos lamang ang maaaring bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha.

Katunayan, ang nabanggit na parusa ay inalis may ilang taon na ang nakalilipas dahil sa kahilingan ng naturang sektor ng relihiyon.

Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, kabilang ako sa mga naniniwala na ang death penalty ang epektong hadlang sa mga karumal-dumal na krimen. Kailangan lamang na ito ay tuluy-tuloy na ipatupad, kaakibat ng mabilis na paglilitis at pagpapasiya sa mga asunto. (Celo Lagmay)