Kulungan ang bagsak ng isang 48-anyos na British matapos umanong pagtangkaang halayin ang isang singer ng club sa Pasay City, nitong Miyerkules.
Nahaharap sa kasong attempted rape at malicious mischief sa Pasay Prosecutor’s Office si Bruce James Reid, plant operator at pansamantalang nanunuluyan sa Vouyager Hotel na nasa panulukan ng Park Avenue at EDSA ng nasabing lungsod, makaraang tangkaing gahasain ang isang singer sa Beruth Bar, sa EDSA.
Dakong 8:00 ng umaga nang manggigil umano ang dayuhan sa singer sa loob ng dressing room ng club.
Tinangka umanong hubaran ni Reid ang babae at hinipuan sa maseselang bahagi ng katawan, pero nagpumiglas ang biktima hanggang makatakas at nagpasaklolo sa guwardiya ng club na nagbunsod ng pagkakaaresto sa dayuhan.
Nakainom umano ng valium ang suspek nang mangyari ang insidente at nabasag pa nito ang salaming dingding ng tanggapan ng Pasay City Police. (Bella Gamotea)